Ayon sa Mabuting Aklat, hindi pa nakarating si San Pablo Apostol sa simbahan sa Colosas ngunit may narinig na siya tungkol doon mula kay Epaphras na isang mangangaral. Alam niya na inaatake ang simbahang iyon ng mga huwad na guro, kaya napapadalas ang kanyang pagdarasal para sa naturang simbahan.
Hiniling niya sa taga-roon na magpasalamat sila sa Diyos dahil sa kanilang pagkakaligtas, inilikas sila mula sa kaharian ng kadiliman patungo sa Kaharian ng Kanyang pinakamamahal na Anak. Tayo rin kailangan nating magpasalamat kay Jesus sa Kanyang mga ginawa para sa atin.
Parang nawawala na ang kaugaliang magpasalamat ngayong panahon. May nabasa akong komentaryo tungkol sa suliraning ito hinggil sa mga taga-Colosas. Noong 1860, panahon ng himagsikan, may isang seminarista sa Amerika na kasapi ng isang reascue team. Isang barkong pandigma ang sumadsad sa dalampasigan na malapit sa kanilang kinaroroonan. Kahit malamig ang panahon at tila nilagyan ng maraming yelo ang dagat, walang humpay na lumusong ang seminarista sa tubig at sinagip isa-isa ang mahigit 20 pasahero. Dahil dito, nagkasakit siya at naging permanente ang pagkabaldado. Kalaunan, sa kanyang burol, ni isa sa kanyang mga sinagip ay hindi nakaalala at hindi nagpasalamat sa kanya.
Mahalaga ang pasasalamat. Hindi ba kapag nakatanggap ang isang bata ng regalo mula sa kanyang mga ninong at ninang ay pinaaalalahanan ng kanyang mga magulang ng, “Anong sasabihin mo?” at tutugon naman ang bata sa nagbigay ng regalo ng “Salamat po.”
Magkaroon sana tayo ng panahon upang gunitain ang pagliligtas sa atin ng Diyos mula sa maraming pagkakataon sa kamatayang eternal at sa pagbibigay niya sa atin ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus. Tiyakin natin na ang pasasalamat sa Diyos ay hindi isang kaugaliang mawawala na.
Kapag nakatanggap ka ng biyaya mula sa Diyos at sa iyong kapwa, ano’ng sasabihin mo?