Inihayag ng Department of Education (DepEd) na posibleng mailabas na sa Oktubre 2014 ang Performance Based Bonus (PBB) ng mga guro sa pampublikong pampaaralan.
Sa pagpupulong sa mga miyembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), sinabi ni DepEd Assistant Secretary Jesus Mateo na aabot sa 90 porsiyento ng mga school division ang nagsumite na ng requirement sa pagpapalabas ng PBB.
“We’re still waiting for the remaining 10 percent who have yet to submit,” paliwanag ni Mateo.
Ipinaliwanag ni DepEd Undersecretary for Regional Operations Rizalino Rivera na nagkaroon ng pagkakaantala sa pagpapalabas ng panuntunan sa PBB ngayong 2014 bunsod ng Results-Based Performance Management System (RPMS).
Ang RPMS ay isang sistematikong hakbang upang matiyak ang pagpapabuti at pagtataas ng antas ng trabaho ng mga guro sa bansa na ipatutupad ng DepEd ngayong taon.
Sinabi ni Rivera na layunin ng DepEd na maging makatotohanan at magagamit ang RPMS upang ito ay pakinabangan ng mga guro kasabay ng pagtiyak ng kagawaran na hindi ito makaaapekto sa kanilang sahod at benepisyo.
Samantala, binigyang linaw ni Mateo na posibleng ilabas ang performance bonus nang dalawang buhos tulad noong 2013 hinggil sa 2012 PBB. - Ina Hernando-Malipot