BILANG mamamahayag na halos kalahating dantaon na sa larangan ito, nagngingitngit ang ating kalooban kapag may pinapatay sa aming hanay. Sa biglang reaksiyon, kaagad nating sinisisi ang mga awtoridad na laging may nakahanda namang dahilan o alibi sa mistulang pagpapabaya sa paglutas ng karumal-dumal na mga krimen laban sa mga miyembro ng media.
At hindi miminsang inilatag ng gobyerno ang mga hakbang upang masugpo ang walang katapusang media killings - mga programa na itinuturing natin bilang mga pampalubag-loob lamang. Kabilang dito ang pagkumpiska sa mga baril na walang lisensiya o loose firearms, pagpapaigting ng pananagutan ng mga alagad ng batas, pagpapalakas ng judicial system at suporta sa pagpapatupad ng media ethics and standards.
Sa kabila ng nabanggit na mga tagubilin, damang-dama pa rin natin ang tinatawag na culture of impunity. Ibig sabihin, may mga kasong nakasampa laban sa mga pinaghihinalaang media killers, subalit walang nahahatulan. At naglipana pa ang mga pumaslang sa ating mga kapatid sa propesyon, subalit sila ay nanatiling nakalalaya at patuloy na tinutugis ng mga alagad ng batas.
Totoong nakakukulili na sa pandinig, subalit hindi maaaring hindi banggitin ang karumal-dumal na pagpatay kay Bubby Dacer, isang journalist na maituturing na haligi ng National Press Club of the Philippines. Daan-daang iba pang pinatay na mga mamamahayag ang hindi nabibigyan ng katarungan.
Paulit-ulit nating binabanggit ang masaklap na kamatayan ng mahigit na 30 nating kapatid sa media na mga biktima ng nakakikilabot na Maguindanao massacre. Hanggang ngayon, wala pa ring malinaw sa kanilang mga kaso; marahil, patuloy pa rin silang nagbibiling-baligtad sa kani-kanilang mga libingan.
At lalo pa yatang lumalabo ang mga paglilitis sa nasabing masaker, dahil sa pagsulpot ng umano’y suhulan sa mga abugado at tagausig ng gobyerno. Hindi ito dapat mangyari upang ang pampalubag-loob ng gobyerno ay hindi matumbasan ng galit ng sambayanan.