Umaabot sa P500,000 ang natupok na mga ari-arian at gamit makaraang masunog ang tanggapan ng isang printing press sa Quezon City, iniulat kahapon ng Quezon City Fire Department.

Base sa ulat ni Quezon City District Fire Marshall Senior Supt. Jesus Fernandez, bandang 11:50 ng gabi nang masunog ang gusali ng printing press na pag-aari ni Lloyd Young sa Miami Street sa Aurora Boulevard sa Cubao, Quezon City.

Nabatid mula sa arson probers na sumiklab ang electrical wiring sa unang palapag ng gusali, na roon nakaimbak ang mga papel at tinta, at agad na kumalat ang apoy sa buong imprenta.

Bagamat nahirapan ang mga bombero sa pagresponde dahil sa makapal na usok na kumulob sa gusali, naapula rin ang sunog dakong 2:30 ng umaga makaraang umabot sa ikalawang alarma.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Napag-alaman na sa kasagsagan ng sunog ay nangamba ang mga residente sa lugar dahil may katabing gasolinahan ang gusali.

Agad namang naagapan at pinabantayan ni Fernandez ang gasolinahan para hindi madamay sa sunog.

Iniulat pa ng BFP na naapektuhan din ng sunog ang mga motorista matapos isara ang Aurora Boulevard para makadaan ang mga fire truck, habang isang babae naman ang nahilo makaraang ma-soffocate sa makapal na usok. - Jun Fabon