Ni MARY ANN SANTIAGO, AP

Nakikiusap ang isang obispo ng Simbahang Katoliko sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Libya na unahin ang kanilang kaligtasan bago ang kita.

Sinabi ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani na hindi na dapat pang magdalawang-isip ang OFWs sa Libya na umuwi ng Pilipinas lalo na ngayong patuloy sa paglala ang kaguluhan doon.

Iginiit ni Bacani na mas mahalaga ang buhay kumpara sa kanilang kikitain, gaano man ito kalaki, kaya kailangan nang umuwi ng mga OFW bago pa tuluyang malagay sa alanganin ang kanilang kaligtasan.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Sinabi ng obispo na nakakatakot na ang sitwasyon ngayon sa Libya dahil magkaiba na ang mentalidad ng mga tao doon habang tumatagal ang giyera at karahasan.

“Ang pakiusap ko nga sa kanila ay magsiuwi na sila, mahalaga ang buhay kaya harinawa na dinggin ng ating mga OFW dahil hindi lamang naman ang kita ang importante kundi ang buhay na siyang dahilan kung bakit tayo naghahanapbuhay,” ani Bacani sa panayam ng Radio Veritas.

Batay sa tala ng Department of Foreign Affairs, sa mahigit 13,000 Pinoy sa Libya ay wala pang 1,000 ang nakauwi sa bansa.

Sinabi ni DFA spokesman Charles Jose na habang ang ilan ay maaaring handang makipagsapalaran sa panganib, ang iba, lalo na ang mga nasa medical field, ay napipilitang manatili.

Sinabi ni Jose na nagmamakaawa ang Libyan authorities sa medical workers na manatili dahil ang kanilang pag-alis ay nangangahulugaan ng pagkaparalisa ng health service na labis na nakasandal sa mga mangagagawang Pinoy.

Isang barko na kayang magsakay ng tinatayang 1,500 katao ang nakatakdang dumating sa Libya sa Biyernes upang ilikas ang mga Pinoy at magbabalik sa Malta sa Linggo kung saan sila ililipad patungong Pilipinas, ani Jose.

Patuloy na nanawagan ang Philippine Embassy sa Tripoli sa mga Pinoy na umalis na sa Libya, nagbabalang maaaring mauwi ang sitwasyon sa puntong hindi na sila makalalabas ng bansa dahil isinasara na ang ibang tawiran.