Ni ELLALYN B. DE VERA

Mula sa tatlong pangunahing ahensiya ng gobyerno, tanging ang Korte Suprema lang ang nakapagtala ng pinakamataas na approval at trust rating sa huling survey ng Pulse Asia.

Base sa nationwide survey noong Hunyo 24 hanggang Hulyo 2 na sinagot ng 1,200 respondent, napag-alaman ng Pulse Asia na 49 na porsiyento ng mga Pinoy ang nagsabing kuntento sila sa nagawa ng Korte Suprema sa nakaraang tatlong buwan, habang 13 porsiyento ang nagsabing hindi sila kuntento.

Samantala, 38 porsiyento ang hindi mapagpasya sa isyu.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Isinagawa ang survey matapos ideklara ng Korte Suprema na ilegal ang ilang probisyon sa kontrobersiyal na Disbursement Acceleration Program (DAP) na ilang ulit na ipinagtanggol ni Pangulong Benigno S. Aquino III.

Sa panig ng Senado at Kamara de Representantes, nakakuha ang dalawang kapulungan ng approval rating na 33 porsiyento at 34 na porsiyento, ayon sa pagkakasunod, sa nakalipas na tatlong buwan.

Pumalo sa 23 porsiyento para sa Senado at 21 porsiyento para sa Kamara ang hindi kuntento, habang 44 porsiyento ang hindi makapagdesisyon sa isyu.

Sa katulad na survey period, 42 porsiyento ng mga Pinoy ang nagpahayag ng tiwala sa kataas-taasang hukuman habang 10 porsiyento ang nagsabing wala silang tiwala. Subalit lima sa 10 Pinoy ang hindi nagkomento hinggil sa isyu ng tiwala sa Korte Suprema.

“The Senate and the House of Representatives registered lower approval and trust scores, while public assessment of the Supreme Court’s work and trustworthiness is essentially constant between two survey periods,” ayon sa Pulse Asia.

“Disapproval for and distrust in the same entities (Senate and House of Representatives) are more pronounced toward the two legislative bodies than the Supreme Court,” dagdag ng survey group.