Mga laro ngayon: (Smart Araneta Coliseum)
2 p.m. UP vs La Salle
4 p.m. Ateneo vs UST
Muling makasalo ang National University (NU) sa pamumuno ang tatangkain ng Ateneo de Manila University (ADMU) sa kanilang pagsalang ngayon kontra sa University of Santo Tomas (UST) na hangad namang umangat sa ikalawang posisyon sa pagpapatuloy ng UAAP Season 77 basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Magkasunod ngayon bilang No. 2 at No. 3 team sa likod ng NU Bulldogs ang Blue Eagles na naiwan lamang ng isang panalo (4-1) at ang Tigers na nalamangan nila ng isa ring panalo (3-1).
Nakatakdang magtuos ang dalawang koponan sa ganap na alas-4:00 ng hapon matapos ang unang salpukan sa pagitan ng winless pa ring University of the Philippines (UP) at defending champion De La Salle University (DLSU) sa ganap na alas-2:00 ng hapon.
Inaasahang ipapataw ni UAAP Commissioner Andy Jao ang kaukulang parusa kay UP Maroons coach Rey Madrid dahil sa nauna nitong akusasyon ng “point shaving” sa mga referee na tumakbo sa nakaraang laban nila ng UST na inihingi naman niya ng paumanhin kay Jao noong nakaraang Lunes.
Nagkataon na kapwa tinalo ng Blue Eagles at ng Tigers sa kanilang nakaraang laro ang Fighting Maroons.
Inaasahang mangunguna muli para sa Ateneo sina team captain Kiefer Ravena, Nico Elorde, Von Pessumal at rookie Arvin Tolentino habang tatapatan naman sila para sa UST nina Karim Abdul, team captain Aljohn Mariano, Louie Vigil, Ed Daquioag at Kevin Ferrer.
Samantala, tatangkain naman ng Green Archers na mahatak sa apat ang nasimulan nilang 3- game winning streak makaraang mabigo sa unang dalawa nilang laro kontra sa Maroons na wala pa ring naipapanalo matapos ang unang limang mga laban.