Ni AARON B. RECUENCO

Nagsampa ang pulisya ng mga kasong kriminal laban sa apat na commander ng Abu Sayyaf at 65 iba pa kaugnay ng pananambang sa Talipao, Sulu noong nakaraang linggo na ikinamatay ng 25 katao.

Ayon kay Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, chief police information officer ng Philippine National Police (PNP), pinagbatayan ng mga imbestigador ang testimonya ng mga saksi at ang iba pang ebidensiya sa paghahain ng multiple murder, multiple frustrated murder at multiple attempted murder.

Kabilang sa mga kinasuhan ang mga kilalang commander ng Abu Sayyaf na sina Idang Susukan, TawingUmair, Sibih Pisih at Ustadz Igasan, na una nang napaulat na humalili umano kay Khaddafy Janjalani.

National

Disyembre 26, 2024 hindi idedeklara bilang holiday – Malacañang

“There are at least 65 other respondents aside from those named,” sabi ni Sindac.

Gayunman, hindi malinaw kung kabilang sa mga kinasuhan ang isang opisyal ng barangay at mga tauhan nito na tinukoy ni Sulu Vice Gov. Abdusakur Tan bilang mga pangunahing suspek.

Matatandaang Hulyo 28 nang pinagbabaril ng mahigit 50 armadong lalaki ang convoy ng mga sibilyan na magdiriwang sana ng Eid’l Fitr o pagtatapos ng Ramadan sa Jolo kasama ang mga kaanak.

Tinukoy ng mga imbestigador ang rido o pang-aaway ng angkan na motibo sa pananambang kaugnay ng alegasyon ng bise gobernador, gayundin ang posibleng pagganti ng Abu Sayyaf dahil sampu sa nasa convoy ay miyembro ng barangay peacekeeping force na inakusahan ng grupo na nag-alerto sa militar tungkol sa mga galaw nila.

Isinampa ang mga kaso noong Lunes sa Sulu Prosecutor’s Office, ayon kay Sindac.