Nagtabla ang laban ng Philippine men’s chess team kontra Bosnia & Herzegovina habang nagwagi naman ang Women’s Team sa ICCD sa ikalawang round ng ginaganap na 41st World Chess Olympiad sa Tromso, Norway.

Kapwa nagtipon ng tig-dalawang puntos ang 52nd seed na Pilipinas at ang 42nd seed na Bosnia sa open division upang kapwa manatili sa likod lamang ng liderato sa torneo na nilahukan ng 135 bansa. Bitbit ng Pilipinas ang kabuuang 5.5 na puntos habang ang Bosnia ay may 6 na puntos.

Nakipaghatian ng puntos si GM Julio Catalino Saddora (2590) kay GM Borki Predojevic (2604) habang nabigo si GM John Paul Gomez (2526) kay GM Dalibor Stojanovic (2503) upang maiwanan ang Pilipinas sa 0.5-1.5 puntos.

Nagawa ni GM Eugenio Torre (2438) na ilapit ang laban sa pakikipaghatian ng puntos kay IM Denis Kadric (2473) bago lamang isinalba ni NCAA 2-time MVP mula Colegion de San Juan de Letran na si FM Paolo Bersamina (263) ang kampanya ng Pilipinas sa pagwawagi kay FM Dejan Marjanovic (2373) na nagtabla sa iskor, 2-2.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sunod na makakalaban ng Pilipinas ang seeded no.2 na Ukraine na bitbit ang kabuuang 6 anim na puntos. Ang Ukraine ay binubuo nina GM Vassily Ivanchuk (2744), GM Ruslan Ponomariov (2717), GM Pavel Eljanov (2723), GM Anton Korobov (2680) at GM Alexander Moiseenko (2707).

Nanatili naman sa limang bansang ikalawang puwesto ang 43rd seed na Women’s Chess team matapos magtipon ng kabuuang 7.5 puntos sa pagwawagi nito sa nakatapat na 55th seed na ICCD, 3.5 – 0.5 puntos.

Tinalo ni WIM Chardine Cheradee Camacho (2214) sa Board 1 si WIM Tatiana Baklanova (2229) na sinundan nina WFM Janelle Mae Frayna (2205) sa pagbigo kay WCM Annegret Mucha (2008) at Jan Jodilyn Fronda (2098) kontra sa unranked na si Natalya Myronenko (1942).

Tanging nakihati ng puntos si WIM Catherine Perena (2165) sa nakaharap na si WIM Olga Gerasimova (2045).

Sunod nitong makakalaban ang 8th seed na Poland na may 6 puntos sa 4 na laro. Ang Poland ay binubuo nina WGM Monika Socko (2470), WGM Jolanta Zawadzka (2398), WGM Karina Szczepkowska-Horowska Karina (2380), WGM Marta Bartel (2359) at WIM Klaudia Kulon (2301).