KUMUMPAS lang si Pangulong Noynoy sa kongreso sa kahilingan niyang linawin ang kahulugan ng “savings”, dalawang resolusyon agad ang lumitaw dito. Ang savings ay pondo ng Development Acceleration Program ng Pangulo na ideneklarang unconstitutional ng Korte Suprema. Kasi, wika ng Korte, puwede lang magdeklara ang Pangulo ng savings sa pondong inilaan ng budget sa isang proyekto ng kanyang departamento sa katapusan ng taon kung kailan panibagong budget na naman ang papasok.

Ang kapasiyahang ito ng Korte ang nais baguhin ng naturang dalawang resolusyon ng kongreso. Karapatan daw nitong gawin ito, ayon kina Senate President Drilon at Speaker Belmonte. Katunayan nga, sabi naman ni Sen. Escudero, puwedeng baguhin ang kahulugan ng savings sa pamamagitan ng batas, General Appropriations Act o joint resolution. Kaya sa dalawang resolusyon na inilabas ng kongreso, puwedeng magdeklara ng savings ang Pangulo kahit sa kalagitnaan ng taon o bago pa nito.

Ang “savings” na nais bigyan ng kongreso ng bago at ibang interpretasyon ay probisyon ng Saligang Batas. Ayon dito, puwede itong kunin ng Pangulo sa ibang departamento nito na hindi nagamit sa kanyang proyekto upang ibigay sa iba para madagdagan ang pondo nito para sa sarili niyang proyekto. Ito ang kinuha ni Pangulong Noynoy sa kanyang iba’t ibang departamento at inimbak sa ilalim ng DAP. Kaya itinuring din itong pork barrel, tulad ng PDAF ng mga mambabatas, dahil siya lang ang may kontrol dito. Siya lamang ang makapagpapasiya kung saan at paano gagamitin ito. Mula sa pondong ito ng DAP, binigyan niya ng kotse ang mga commissioner ng Commission on Audit. Meron na ngang PDAF ang mga mambabatas binigyan pa rin niya ang mga ito ng kanyang DAP.

Ang problema, kaya isa sa dahilan na ideneklara ng Korte na unconstitutional ang DAP, ay dahil hindi pa natatapos ang fiscal year, ideneklara na ng Pangulo na savings ang pondong inilaan ng budget sa kanyang mga departamento at ginawa niya ng DAP. Kailangan, wika ng Korte, sa katapusan pa ng taon. Interpretasyon ito ng Korte sa probisyon ng Konstitusyon ukol sa “savings”. Mababago ba ito ng mambabatas eh hindi naman nila trabaho, kundi trabaho ng Korte, ang magbigay ng kahulugan sa Konstitusyon? Bukas na naman sa isyu ng constitutionality ang resolusyon ng mambabatas ukol sa “savings”.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3