Ni BEN R. ROSARIO

Delikadong tuluyan nang maglaho ang isa pang natural wonder ng Bicol—iyong natatangi sa panlasa at hindi sa paningin—at kailangan ang tulong ng gobyerno upang maisalba ito.

Sinabi ni AGRI Party-list Rep. Delphine Gan Lee na ang Sinarapan o tabios, isang “freshwater wealth and wonder” ng Bicol Region, ay malapit nang tuluyang maglaho sa mga lawa ng Camarines Sur kung hindi aaksiyon ang gobyerno upang magpatupad ng mga hakbangin para maproteksiyunan ang pambihirang uri ng isda na ito.

Inihain ni Gan Lee ang House Bill 3791 na magtatatag ng Center for Conservation of Sinarapan at magtatakda ng mga hakbangin para maproteksiyunan ang nasabing lamang-dagat.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

“Probably one of the most unusual freshwater fish found anywhere in the world, the Sinarapan or Tabios is endemic to Lake Buhi and Lake Bato in the province of Camarines Sur,” ani Lee.

Ang Sinarapan (scientific name: Mistichthys Luzonehsis) ay nadiskubre noong 1902 at inilarawan bilang pinakamaliit na isda sa mundo.

Batay sa masusing pananaliksik, pinakamalaki nang inaabot nito ang 15 millimeters at may average length na 12.5 millimeters lang.

Mahalagang pagkain para sa mga mangingisdang Bicolano, maramihan ang paghuli sa Sinarapan at karaniwang pinatutuyo para maging Badi o daing sa Tagalog. Maaari rin itong iprito o ilaga nang may kasamang gulay, at malasa—batay na rin sa pangalan nito.

“However, Sinarapan-badi is seldom served in native restaurants. Years of neglect and abuse, like overfishing, among others, have seriously depleted the species’ population, which are found nowhere in the world,” sabi pa ni Lee.

Ayon sa mga pag-aaral ng grupo ni Dr. Victor Soliman, nagtatag ng Sinarapan Conservation Initiative sa Bicol University sa Tabaco, Albay, matatagpuan pa rin ang Sinarapan sa Lake Buhi at Lake Bato sa Camarines Sur, gayundin sa Lake Manapao, Lake Katugday at Lake Makuwaw, na nasa paanan ng Mount Asog sa Buhi, Camarines Sur.