Nagsama-sama ang mga negosyante, magsasaka at mamimili sa Makati City noong Linggo upang iprotesta ang isinasagawang field testing sa mga talong at iba pang gulay na genetically-modified, na anila’y masama sa kalusugan ng tao.
Sinabi ni Mara Pardo de Tavera, ng Consumer Rights for Safe Food (CRSF), na ang pagtutol nila sa field testing ng GM eggplant at iba pang gulay ay base sa negatibong epekto na maidudulot ng mga ito sa ecological balance ng bansa.
“We are worried that the introduction of GM eggplants in the country could severely affect the health of the humans, especially infants and small children,” ani Tavera.
Isinusulong ng kanilang grupo ang organic food na mas mainam sa kalusugan.
Ayon kay Tavera, ang bacteria na ginagamit sa gene ng isang eggplant ay nakalilikha ng mga lason na mapanganib sa kalusugan ng tao.
Noong Hulyo 11, naghain sa Korte Suprema ng petisyon ang grupo ni Tavera kasama ang mga organic food producer, trader at consumer upang pigilan ang mga field trial ng GM eggplant.
Ayon pa kay Tavera, kumakalat na sa merkado ang mga GM product na walang tatak.
“We are raising this public alarm over the issue because we are very much concerned with the ill-effects of genetically-modified plants in the health of our people, especially farmers who will be asked to field test these crops,” babala ni Tavera. - Anna Liza Villas-Alavaren