Ipinagbawal ng Department of Agriculture (DA) ang pag-aangkat ng Pilipinas ng produktong baboy mula sa katimugang China dahil sa epidemya ng foot-and-mouth disease sa nasabing bansa.
Ipinag-utos ni DA Secretary Proceso Alcala ang pagpapatupad ng temporary ban sa pag-aangkat ng produktong baboy mula sa Jiangsu, China matapos makumpirma ang FMD outbreak sa Zhoutang village sa Yingtan.
Base sa DA memorandum na nilagdaan noong Hulyo 11, ipinag-utos ni Alcala ang suspensiyon sa pagpoproseso, ebalwasyon, at pagpapalabas ng import permit para sa mga hog product.
Inatasan din ang mga DA veterinary quarantine officer at inspector sa lahat ng daungan sa bansa na kumpiskahin ang mga FMD-prone animal mula sa Jiangsu gayundin ang mga produkto nito.
Ito ay matapos kumpirmahin ni Dr. Zhang Zhongqui ng China Animal Disease Control Center ang mga ulat na naapektuhan ng FMD virus ang isang piggery farm sa Lianghong Company sa Sihong, Suquian, Jiangsu, China. - Ellalyn B. de Vera