balita editorial aug52014

SA tuwing mayroong kapamahakan saan man sa mundo, isang tanong agad ang lumulutang: May Pilipino bang nasangkot doon? Iyan ang tanong nang bigla na lamang naglaho ang isang eroplano ng Malaysian Airlines sa South Indian Ocean na may 239 pasahero. Ito uli ang tanong nang ang isa na namang eroplano ng Malaysian Airlines ang pinasabog sa himpapawirin ng Ukraine ngunit sa pagkakataong ito, mayroong tatlong miyembrong pamilyang Pilipino roon – ang napabilang sa 298 patay.

Ang isa pang kapahamakan na lumalala sa bawat araw ay ang hidwaan sa Libya na kinasasangkutan ng puwersang Islamist at gobyerno. Daan-daang manggagawang Pilipino ang nasa pagitan ng mga hidwaang ito. Sa harap ng karahasan, kung saan sarado ang lahat ng paliparan at tawiran ng mga hangganan patungong Egypt sa silangan at sa Tunisia sa kanluran, walang mapuntahan ang mga foreign refugee kundi sa dagat.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Ang kaguluhan sa Libya ay partikular na mahapdi para sa isang nurse na Pilipina na na-gang rape nang papunta na ito sa ospital na kanyang pinagtatrabahuhan. Bilang protesta, nagdeklara ang mga manggagawang Pilipino roon ng dalawang araw na strike na nagpasara sa Tripoli Medical Center kung saan halos tatlong bahagi ng medical personnel doon ay mga Pilipino.

May 800 Pilipino ang lumisan na sa Libya at isa pang 800 ang nagpahayag ng kanilang kahandaang tanggapin ang alok ng gobyerno ng Pilipinas na libreng transportasyon pabalik ng bansa, ayon sa Department of Foreign Affairs. Libu-libo pa ang determinadong manatili sa Libya and maghintay na humupa ang karahasan. Ito ang nakaaalam na wala silang babalikan sa Pilipinas, walang disenteng trabaho na pansuporta sa kanilang mga pamilya.

Umaasa ang gobyerno ng Pilipinas sa remittances ng mga overseas Filipino worker na malaki ang iniaambag sa ekonomiya ng bansa. Mabuti na lamang na marami pang bansa ang maaaring puntahan ng ating magigiting na manggagawa, dahil walang sapat na trabaho sa bansang ito. Kakaunti ang ating mga pabrika na gumagawa ng pang-export na mga produkto at magkaloob ng trabaho, dahil sa mataas na halaga ng enerhiya sa ating bansa. Hindi makapamunga ng sapat ang ating agrikultura, lalo na ang bigas na kailangan pa nating iangkat. Makikita sa talaan na masagana ang ating bansa, mataas ang Gross Domestic Product, ngunit waring hindi ito nararamdaman ng masang Pilipino. Kaya marami sa kanila ang patuloy na lumalabas ng bansa, libu-libo taun-taon, upang maghanap ng trabaho.

Gugugol ng maraming taon bago natin matamo ang isang ekonomiya na kumukuha ng manggagawa mula sa ibang bansa sa halip na paglakbayin ang ating mga kababayan sa labas ng Pilipinas. Ngunit sa harap ng bilyun-bilyong piso na nasa ating national budget na tadtad ng lump sum, maaari nating ilatag ang mga pundasyon ngayon para sa isang ekonomiyang kayang magkaloob sa sarili nito – ng mga pangunahing produkto, mga serbisyo, at lalo na ng mga trabaho para sa lahat.