NATIONAL Tuberculosis Awareness Month ang Agosto, isang taunang pagdaraos na may layuning mapababa ang bilang ng tinatamaan ng naturang sakit (TB) at TB-related morbidity at mortality sa Pilipinas. Ang TB ay isang pangunahing problema sa kalusugan na nakaaapekto sa 73 Pilipino araw-araw. Nananatiling mahalaga ang TB incidence sa Pilipinas at nasa ika-15 ranggo ang bansa sa 22 “high burden” na bansa o yaong sumasaklaw ng mahigit 80% ng TB cases sa buong daigdig. Ang TB ay ang ikaanim na dahilan ng kamatayan sa Pilipinas.

Maraming bansa ang nagsisikap na kontrolin ang naturang sakit. Iniulat ng World Health Organization (WHO), ang mga kaso sa Pilipinas at tatlong iba pa – China, Cambodia, at Vietnam – ay bumaba nitong huling 21 taon, kung kaya pinaigting ang kampanya upang mapababa pa ang TB epidemic sa kalahati pagsapit ng 2015. Saklaw ng apat na bansang ito ang 93% ng mga kaso ng TB sa Western Pacifi, at kabilang sa 22 “high-burden” na bansa para sa TB. Sa Pilipinas, bumaba ang bilang ng mga namamatay dahil sa TB ng 49% samantalang ang bilang ng mga Pilipino na may TB ay bumaba ng 52%. Pinuri ng WHO ang dedikasyon at kahusayan ng gobyerno ng Pilipinas dahil sa pagbabang ito, ngunit iminungkahi na marami pang kailangang gawin upang palakasin ang health systems ng mga bansa upang mapugto ang pagkalat ng TB, lalo na ang multi-drug-resistant TB, na mahirap gamutin sapagkat na-develop na ng bacteria ang resistance laban sa gamot.

Nalulunasan ang TB ng matagalang gamutan na mula anim hanggang 12 buwan. May tatlong prinsipyo ang pagkontrol ng TB na inilabas ng World Economic Forum Global Health Initiative: ang Find, Treat, at Cure and Prevent. Gumawa ang Public Health Nursing in the Philippines ng preventive measures: ang Prompt diagnosis and treatment; pagpapabakuna ng mga bata; edukasyon tungkol sa kalusugan ng publiko, ang paglilinis ng kapaligiran; at pagkakaroon ng access sa laboratory services at diagnostics tulad ng Direct Sputum Smear Microscopy.

Nakahahawa at paulit-ulit na sakit ang TB na sanhi ng Mycobacterium Tuberculosis na karaniwang umaatake sa baga, ngunit kaya rin nitong atakihin ang kidney, spine, at bituka. Nakukuha ang TB sa paghinga ng hanging may bacteria na ibinuga ng may sakit nito. Yaong may tama ng TB ay kailangang paglaanan ng karagdagang atensiyon at angkop na maintenance, lalo na yaong mga may mahihingang immune systems – ang matatanda, mga smoker, at yaong may HIV, diabetes, at malnutrisyon. Malaki ang pinsala na idinudulot ng paninigarilyo sa lung TB, kaya ang mga smoker at yaong nakalalanghap ng usok na ibinuga nila, ay mas madalas na nagkakasakit.
National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko