SAN FERNANDO CITY, Pampanga - Maglalaan ng P5 bilyon ang Manila North Tollways Corporation (MNTC) para gawing anim ang lane ng North Luzon Expressway (NLEX) mula sa Sta. Rita Exit sa Guiguinto, Bulacan hanggang sa lungsod ng San Fernando sa Pampanga.
Sinabi ni MNTC President Rodrigo Franco na mahigit 50 porsiyento na ang itinaas ng trapiko sa naturang bahagi ng NLEX simula nang maging moderno ang expressway noong 2005.
Bukod dito, nadadagdagan ng 25 porsiyento ang volume ng mga sasakyan sa nasabing kalsada tuwing Undas, Pasko at Semana Santa.
Kasabay nito, nanawagan naman ang mga motorista kay Franco laban sa paghahari-harian umano ng mga NLEX patrol, iginiit na nagmimistulang may “Martial Law” sa highway dahil sa bagsik ng mga enforcer na dapat sana ay magiliw na umaalalay sa mga motorista.
Base sa plano ng MNTC, tatambakan ang kanang bahagi ng magkabilang panig ng NLEX upang magdagdag ng isang lane kaya magiging tatlo na ang lane patungong norte, gayundin pa-Metro Manila.
May habang 24 kilometro ang Sta. Rita hanggang San Fernando, kasama na ang Candaba Viaduct na may habang pitong kilometro.
Bukod dito, balak din ng MNTC na gawing apat ang lane, o tig-dalawang linya sa magkabilang panig, ang bahagi ng Dau hanggang Sta. Ines sa Mabalacat, Pampanga dahil madalas ang aksidente sa lugar.
Pinag-aaralan din ang pagpapalaki ng tulay sa Bocaue Interchange, lalo dahil malapit ito sa Philippine Arena sa Ciudad de Victoria. - Mar T. Supnad