Nagbayad na si Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ng P108 milyon sa Bureau of Internal Revenue (BIR) bilang bahagi ng P3 bilyon bayarin ng pamahalaang lungsod pero target na bayaran ito bago magtapos ang kanyang termino sa 2016.
Ibinigay ni Estrada sa BIR ang inisyal na kabayaran sa buwis noong nakaraang buwan na bahagi ng unang installment para sa P500-milyon tax obligation hanggang 2008.
Kabilang dito ang unremitted withholding tax mula sa sahod ng mga kawani ng siyudad at value-added tax mula sa rental earning ng pamahalaang lungsod.
Nirerebisa nina City Treasurer Liberty Toledo at Manila Revenue Regional Director Araceli Francisco ang financial record ng city hall upang matukoy kung mayroon pang makokolektang kabayaran.
Posibleng mabawasan pa ang P500-milyon utang sa buwis kapag inaprubahan ng BIR ang hiling ni Estrada na i-waive ang interes at iba pang multa sa kanilang tax obligation.
Sinabi ni Estrada na iniwan sa kanya ng nakaraang administrasyon ng Maynila ang mahigit P3 bilyon utang sa buwis, at bayarin sa serbisyo ng tubig at kuryente na nangako siyang babayaran bago matapos ang kanyang termino. - Jun Ramirez