Ni Aaron Recuenco

Paano n’yo malalaman kung ang mga K-9 dog sa shopping malls ay epektibo?

Maging ang Philippine National Police (PNP) ay interesadong malaman ang sagot kaya nagsagawa ng ebalwasyon sa unang pagkakataon sa mga canine dog na pag-aari ng mga private security agency na itinalaga sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at karatig na lugar.

At lumitaw sa resulta ng ebalwasyon na 10 sa 75 aso at ang kanilang handler ay bagsak, habang dalawa mula sa 65 ang nakakuha ng perfect score.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Sinabi ni Chief Supt. Noel Constantino, director ng Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSA), na ginawa ang ebalwasyon upang matiyak na epektibong nagagampanan ng mga aso at handler ang kanilang misyon sa pagbibigay ng seguridad sa publiko laban sa mga terorista at iba pang elementong kriminal.

“This competency evaluation is designed to determine the proficiency and reliability of a K9 team in scent work for explosives or bomb to cover every possible technique or method in explosives detection,” ayon kay Constantino.

Isinagawa ang dalawang araw na K-9 evaluation sa compound ng isang security agency sa Mandaluyong City.

Sinabi ni Constatino na mahalagang matukoy kung nagagampanan ng mga K-9 team ang kanilang misyon dahil inuupahan sila hindi lang ng mga pribadong kumpanya ngunit maging ng PNP.

Aniya, dapat kumuha muna ng clearance at certificate of efficiency ang mga K-9 team bilang patunay na ipinasa nila ang mga itinakdang panuntunan ng awtoridad bago sila upahan para magbigay ng seguridad.

Kabilang sa mga points of evaluation ang baggage, room at vehicle search; at husay sa komunikasyon ng handler at ng aso.