Film Review Guardians of the Galaxy

KUMITA ang Guardians of the Galaxy, ang space adventure movie ng Walt Disney Co na nagtatampok sa mga extraterrestrial misfits at nagsasalitang raccoon, ng $94 million nitong weekend at nagtakda ng record para sa pelikulang ipinalabas ng Agosto.

Gayunman, ang masiglang opening ng pelikula ay hindi inaasahang maglulunsad ng bonggang summer box office season.

Ang nasabing 3D movie, na tinatampukan ng mga hindi gaanong kilalang character mula sa Marvel comic book universe ng Disney, ay humakot din ng $66.4 million sa international markets, para sa kabuuang pandaigdigang kita na pumalo sa $160.4 million, ayon sa Disney.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Naungusan ng Guardians ang nanguna noong nakaraang linggo na Lucy, na kumita ng karagdagang $18.3 million sa mga domestic theater ngayong linggo, ayon sa taya ng Rentrak.

Si Scarlett Johansson ang bida sa Lucy, na tungkol sa isang babaeng may super-powered brain.

Tampok sa Guardians sina Zoe Saldana, Vin Diesel, Bradley Cooper at Chris Pratt. Matapos tumanggap ng mga positibong rebyu, ang pelikula ang may pinakamalaking Thursday night opening ngayong taon na nasa $11.2 million.

Bago pa man ipinalabas, inihayag na ng Walt Disney na pinagpaplanuhan na ang sequel ng Guardians na ipalalabas sa Hulyo 2017.

Ginamit sa Guardians ang mga awitin noong 1970s, kabilang ang Hooked on a Feeling at Spirit in the Sky.

Pumangatlo naman sa takilya ang Get on Up, na biography ng soul singer na si James Brown, sa kitang $14 million sa unang linggo ng pagpapalabas nito.

Ang Hercules ni Dwayne "The Rock" Johnson ang pang-apat nitong weekend sa karagdagang kita na $10.7 million, kasunod ang Dawn of the Planet of the Apes na kumita ng $8.7 million. - Reuters