Ni Leslie Ann G. Aquino
Isang obispo ng Simbahang Katoliko ang nanawagan sa mga mananampalataya na tumulong sa pagkumbinsi sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno sa pamamagitan ng personal na pakikipag-usap sa kanila.
“Kung personal na kilala n’yo ang opisyal ng gobyerno, kausapin n’yo siya. Iparating n’yo sa kanya ang Magandang Balita. Kung sila ay sangkot sa korupsiyon, tulungan n’yo siyang magbago,” saad sa post ni Bacolod Bishop Vicente M. Navarra sa CBCP News.
Pinaalalahanan ng obispo ang mga Katoliko na ang integrity at transparency ay dapat magsimula sa sarili at sa sariling tahanan.
“Ano ba’ng pagbabago ang kailangan ko sa aking sarili?” pahayag ni Navarra sa kanyang mensahe sa prayer vigil sa San Sebastian Church kamakailan.
Inorganisa ang prayer vigil upang palawakin ang kaalaman sa kahalagahan ng integridad, accountability at transparency sa serbisyo publiko sa gitna ng mga kontrobersiya, tulad ng isyu sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) at Disbursement Acceleration Program (DAP) na kapwa itinuturing na “pork barrel fund” ng mga kritiko ng administrasyon.
“Ang integridad ay dapat magsimula sa ating sarili, sa ating pamilya at ating tanggapan,” giit ni Navarra.
Aniya, magiging walang saysay ang pakikibaka ng mamamayan para sa katarungan kung “tayo man ay bahagi nito.”
Bilang pangunahing hamon sa selebrasyon ng Year of the Laity na may temang “Choose To Be Brave,” sinabi ni Navarra na hindi dapat na limitahan lang ang mamamayan sa pagbatikos sa katiwalian sa gobyerno kundi dapat na maging instrumento rin sila sa tunay na pagbabago ng sistema.