NATANGGAP namin ang mensaheng ito mula sa hindi kilalang numero tungkol sa katatapos na Arise concert ni Gary Valenciano sa SM MOA Arena nitong nakaraang Sabado:
“Nagbagsak presyo pala ang GV Arise kahapon (Sabado), P50 sa general admission at P500 sa patron, kaya pala napuno.”
Kakilala namin ang publicist ng Genesis, talent management agency ni Gary V, na si Chuck Gomez kaya agad namin itong tinanong tungkol sa naturang tsika.
“Hindi po,” sabi ni Chuck. “’Di puwede ‘yun kasi naka-register sa munisipyo, BIR, etc., at mga kinauukulan ang ticket prices. Baka ‘yung mga nakabili ng lower ticket prices, eh, galing sa mga scalper.”
Ipinadala namin sa informant/texter ang ibinigay na dahilan ni Chuck, at nagulat kami sa palaban na sagot ng nagpadala ng mensahe sa amin.
“Pinull-out nila ang ticket at may mga kinuha silang scalpers to sell. Kasi ‘pag sila ang nag pull-out ng tickets as producers, ‘yung ticket printing lang ang babayaran nila at ang percentage ng MOA.
“And true naman na naka-register sa munisipyo ang ticket prices nila, lahat naman ganu’n, pero wala nang pakialam ang munisipyo kung paano mo ibebenta as long as magbayad ka ng tax.”
Binalikan namin si Chuck tungkol sa sinasabing pinull-out ng Arise producer ang tickets at ito naman ang katwiran niya: “Kahit naman po nag-pull out sa SM MOA Arena, we will stay pay the amount ng mga pinull-out. Ask any concert producer. Ayoko na pumatol, sis, hayaan mo na, hindi naman true.”
Hayan, inilabas namin ang magkabilang panig kaya ang mambabasa na lang ang humusga kung ano ang totoo at hindi, tama ba, Bossing DMB?
(Editor’s note: Kung anu-ano itong natitisod mong isyu, Reggee Bonoan. Sige, ipagpatuloy mo lang ‘yan, he-he….)