Nagsimula nang inspeksiyunin ng mga opisyal ng barangay sa Metro Manila ang rehistro ng mga motorsiklo sa kani-kanilang lugar.

Bagamat kasama sa proseso ang mga residente, nangungupahan at bisita, mga kriminal ang pangunahing target ng mga barangay official sa beripikasyon ng mga motorcycle registration document, ayon kay Director Carmelo Valmoria, hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

“Nakikipagtulungan sila (barangay officials). Sila ang katambal sa pagsugpo ng mga kriminal,” pahayag ni Valmoria.

Kumpara sa mga nakaraang taon, sinabi ni Valmoria na malaki ang ipinagbago ng mga opisyal ng barangay official sa pakikipagtulungan sa pulisya sa kampanya nito kontra krimen sa pagpapatrulya ng mga barangay tanod na nagpaparating sa kaalaman ng awtoridad ng mga insidente ng krimen sa kani-kanilang lokalidad.

National

Eastern Samar, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Una nang inatasan ni Valmoria ang lahat ng 38 police station commander sa Metro Manila na hikayatin ang mga opisyal ng barangay sa pagberipika sa pag-aari ng mga motorsiklo sa kani-kanilang lugar.

Aniya, ang mga nakaw na motorsiklo ang kalimitang ginagamit ng mga kriminal sa pamamaslang at panghoholdap sa Metro Manila dahil mas madali itong makasingit sa trapiko.

Nagbabahay-bahay ang mga opisyal ng barangay upang tiyakin na ang bawat motorsiklo ay nakarehistro sa tamang may-ari ng sasakyan, ayon pa kay Valmoria. - Aaron Recuenco