Hinimok ng World Health Organization (WHO) ang lahat ng bansa na gumawa ng kaukulang hakbang para maiwasan ang kasalukuyang problema sa anti-microbial resistance (AMR).

Nangangamba ang WHO na dahil sa AMR ay maraming sakit ang maaaring hindi mapuksa at maging dahilan ng pagkalat nito gaya ng infections na dala ng bacteria, parasites, virus at fungi.

Sinabi ni WHO Regional Director for the Western Pacific Dr. Shin Young-Soo na kailangan ang agarang aksyon upang hindi mawalan ng saysay ang antibiotics. “Actions across all government sectors and society is required now if we don’t want to face a new post-antibiotic era.”

Kaagad namang umaksyon ang Food and Drug Administration (FDA) sa Pilipinas at nagpalabas ng advisory, na nag-aatas sa mga doktor at pharmacists na tiyakin ang tamang pagbibigay ng antibiotic.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

“There is a need to provide patient counseling on matters such as taking the right dose and proper administration of prescribed drugs, as well as potential adverse drug reactions or events. More than any legal obligation or accepted practice, it is an ethical and moral responsibility of all healthcare professionals to ensure that patients receive the highest possible level of care,” nakasaad sa bahagi ng advisory ng FDA.

Ayon sa FDA, dapat bigyan ng sapat na kaalaman ng mga doktor ang kanilang mga pasyente sa tamang paraan ng pag-inom ng antibiotic at kung kailan lamang ito dapat inumin.

Pinuna rin ng FDA na marami sa mga Pinoy ang nagse-self-medicate at bumibili ng over the counter antibiotics para sa kanilang karamdaman kahit na hindi nireseta ng doktor at kalimitan ay hindi naman tinatapos ang cycle sa pag-inom nito.

Dahil dito, sa oras na kailangan na talagang uminom ng antibiotic para sa kanilang karamdaman ay nagkakaroon na ng AMR at mas mahirap nang mapuksa ang mga bacteria na maaaring magpalala sa sakit.

Ipinaliwanag ng Department of Health (DOH) na hindi basta-basta ang pag-inom ng antibiotic dahil kailangan munang tukuyin kung may bacterial infection saka lamang reresetahan ng antibiotic. Ang mga sakit na hindi naman sanhi ng bacteria ay hindi dapat na gamutin ng antibiotic.