Ni GENALYN D. KABILING
May anim na taon lang siya bilang presidente at hanggang dun lang ‘yun.
Walang plano si Pangulong Benigno S. Aquino III na labagin ang batas at igiit ang isa pang termino bilang presidente ng bansa sa harap ng umiigting na online petition para palawigin pa ang paglilingkod niya sa Malacañang, ayon sa isang opisyal ng Palasyo.
Sinabi ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr. na determibado ang Pangulo na paglingkuran ang kanyang mga boss sa iisang six-year term, alinsunod sa Konstitusyon.
Nilinaw din ni Coloma na walang kinalaman ang Malacañang sa nasabing panawagan ng ilang netizen na humihiling ng panibagong termino para kay Pangulong Aquino, na bababa sa puwesto sa 2016.
“Wala po kaming kinalaman sa pagpapahayag na ganyan. ‘Yan po ay spontaneous at natural na pagpapahayag ng saloobin. Alam naman po natin ang nature ng ating social media, bukas at hayag sa lahat. Wala naman pong kumokontrol niyan,” sinabi ni Coloma sa isang panayam ng radyo.
“Kaya sa kabila ng mga pahayag na ’yan, ang ipapaalala lang po natin sa kanila ay ‘yung probisyon ng Saligang Batas hinggil sa iisang termino lang na anim na taon [para sa presidente],” dagdag niya.
Nang tanungin kung ikinatutuwa ba ng Palasyo ang nasabing online petition para sa pagpapalawig ng termino ng Pangulo, sinabi ni Coloma: “Basta po naririnig namin at nababasa rin naman ‘yang mga ‘yan. Ano pa man ang nilalaman niyan, ang Saligang Batas pa rin po ang iiral.”
Ilang netizen ang nag-post ng mga komentong “One more term,” “Re-elect PNoy for President,” at “Noynoy pa rin” sa opisyal na Facebook page ng Pangulo sa harap ng matitinding pagsubok na kinahaharap ng administrasyon, gaya ng paglabag sa batas ng Disbursement Acceleration Program (DAP). Ang mga social media account ng Pangulo ay pinangangasiwaan ng tanggapan ni Coloma.
Nagsimula ang nasabing panawagan ng netizens makaraang maging emosyonal ang binatang Pangulo sa paglalahad ng kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 28.