Kapwa nagwagi sa kani-kanilang nakalaban sa unang round ang Philippine men at women’s chess teams sa napuno ng kontrobersiya at hindi agad nakapagsimula sa oras bunga ng banta sa seguridad at tunggalin sa nalalapit naman na eleksyon ng world governing body na FIDE sa 41st World Chess Olympiad sa Tromso, Norway.

Nakisalo sa 10-bansang ikalawang puwesto na nasa ika-67 hanggang 76 silya ang Men’s Team na binubuo nina Grand Masters Julio Catalino Sadorra, John Paul Gomez at Eugene Torre at ang bagitong si International Master Paul Bersamina matapos iuwi ang 3.5 kontra .5 panalo sa Afghanistan.

Kasunod na makakasagupa ng 52nd seed na Pilipinas na ginigiyahan ni team captain at National Chess Federation of the Philippines Executive Director Jayson Gonzales at may bitbit na kabuuang 3½ karta ang nakisalo sa 68 bansa na liderato na Bosnia & Herzegovina.

Tinalo ni GM Julio Catalino Sadorra (2590) sa Board 1 ang Fide Master na si Mahbuboollah Kooshani (2036) na agad sinundadn ni GM John Paul Gomez (2526) sa Board 2 si FM Zaheeruddeen Asefi (1996).

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Hindi naman nahirapan ang 62-anyos at nasa kanyang makasaysayan at rekord na 22 beses na paglalaro sa kada dalawang taong torneo na si GM Eugene Torre (2438) para sa ikatlong puntos ng Pilipinas sa pamamagitan ng default kay Hamidullah Sarwary (1920) sa Board 3.

Tanging nahati ang puntos ng koponan sa laban ni Fide Master Paolo Bersamina (2363) na umayon sa pagtatabla kay Zabiullah Ahmadi (2031) para sa Afghanistan.

Nakisalo naman ang 43rd seed na Philippine Women’s team sa 49 na bansang liderato matapos nitong walisin ang 110th seed na Palau, 4-0.

Binigo ni WIM Chardine Cheradee Camacho (2214) ang unranked na si Angelica Parrado sa Board 1 habang tinalo nio WFM Janelle Mae Frayna (2205) si Baby Edna Mission (1546) sa Board 2.

Hindi nahirapan si Jan Jodilyn Fronda (2098) sa Board 3 kontra Gladys Anne Paloma (1472) bago nagwagi si WIM Catherine Perena (2165) kontra Destiny Sisior (1536).

Makakalaban ng RP Women’s Team sa ikalawang round bitbit ang apat na puntos ang 55th seed na ICCD na may 3.5 puntos.

Hindi naman agad nakapagsimula ang unang round ng Tromsø Olympiad bunga ng kaguluhan sa laki ng kalahok sa torneo na ipinapalabas ng live sa web at telebisyon sa buong mundo pati na rin sa ipinatupad na seguridad para sa mga kalahok at mga nais na manood ng mga laban.

Muntik din na magkaroon ng salpukan sa playing hall bunga naman ng matinding pagkakabanggaan ng mga partido hinggil sa politika sa FIDE.