Hindi pa rin napagdedesisyunan ng Senate minority bloc kung magsasagawa ngayong linggo ng “contra-SONA” ang alinman sa mga miyembro nito bilang tugon sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno S. Aquino III noong Lunes.
Ito ang pinaglilimian noong Sabado habang hinihintay ng grupo ng oposisyon ang inaasahang pagsusumite ngayong Lunes ni Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile, na nakapiit sa custodial center ng Philippine National Police (PNP) sa Quezon City, ng liham kay Senate President Franklin M. Drilon, ayon kay acting Senate Minority Leader Vicente C. Sotto III.
Ayon kay Sotto, wala siyang ideya sa nilalaman ng nasabing liham.
Sinabi niya sa mga mamamahayag noong Hulyo 28 na plano ni Enrile na gumawa ng “contra-SONA” na ipadadala sa kanilang grupo at ilalahad sa Senado sa pamamagitan niya o ni Senator Joseph Victor “JV’’ Ejercito.
Sa isang press forum noong Hulyo 31, sinabi ni Senator Nancy Binay, miyembro rin ng opposition bloc, na plano ni Sotto na bisitahin si Enrile sa detention cell ng dating Senate President nitong weekend.
Pero sinabi noong Sabado ni Sotto na hindi niya nabisita si Enrile at kuntento siya sa nilalaman ng SONA ng Pangulo.
Aniya, makatotohanan ang speech ng Pangulo at wala nang pangangailangang kontrahin pa ang Punong Ehekutibo.
Gayunman, nilinaw ni Sotto na patuloy nilang susubaybayan ang mga reporma ng gobyerno at ang mismong administrasyon. “We will fiscalize,” ani Sotto.
Kasama si Senator Gregorio “Gringo’’ Honasan II, apat na lang ngayon ang anim na miyembro ng minorya makaraang mapiit sina Enrile, Senators Jose “Jinggoy” Ejercito Estrada at Ramon “Bong” Revilla Jr. dahil sa mga kinakaharap na kasong graft at plunder kaugnay ng P10-bilyon pork barrel (Priority Development Assistance Fund) scam. - Mario B. Casayuran