Ni LIEZLE BASA IÑIGO

BAUTISTA, Pangasinan - Muling nanawagan ng panalangin ang magulang ng conjoined twins sa bayang ito para maging matagumpay ang operasyong maghihiwalay sa magkapatid na isasagawa sa Taiwan sa susunod na buwan.

Ito ang panawagan ni Ludy De Guzman, ina ng kambal at residente ng Barangay Vacante, Bautista, matapos makumpirmang bibiyahe ang kanilang pamilya patungo sa Taiwan sa Setyembre.

Sa ngayon, aniya, itinakda na ng mga espesyalista sa Taiwan na tutulong sa magsisiyam na buwang magkapatid na sina Jennelyn at Jerelyn, ang operasyon sa Setyembre para makapamuhay na nang normal ang kambal.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Nagpapasalamat talaga ako sa mga mamamahayag na naghatid ng balita [tungkol sa kambal] at sa pamamagitan nito ay dumagsa ang mga tumulong,” sabi ni Ludy.

Personal ding pinasalamatan ng ginang ang Manila Bulletin Publishing Corporation, sa pamamagitan ng may akda, na nagbalita rin tungkol sa mga pangangailangan ng kambal.

Matatandaang isang dayuhang negosyante ang nagbigay ng tulong pinansiyal sa pamilya ng kambal matapos mabasa sa Manila Bulletin ang tungkol dito.

Pinasalamatan din ni Ludy ang ilang negosyanteng Chinese sa Dagupan City na sumasagot ngayon sa mga pangangailangan ng conjoined twins.

Sinabi pa ni Ludy ang na labis niyang ikinatuwa ang pag-asang ibinigay sa kanya ng mga doktor sa St. Luke’s Medical Center na sumuri sa kambal makaraang sabihin ng mga ito na malaki ang tsansa na mapaghiwalay at mamuhay nang normal ang magkapatid dahil atay lang ang magkadikit sa mga ito.

Nabatid na magtatagal sa Taiwan hanggang sa Disyembre ang mag-iina.