Nabuking ng pulisya ang isang babae habang nagpapasok ng isang cellphone sa selda ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Pasay City noong Sabado. Kinilala ng jail officers ang suspek na si Wilmarie Sopoco, 30, ng 662 Ilang-Ilang St., Pasay City.

Si Sopoco ay live-in partner ni Mark Tiglao, isang bilanggo na nahaharap sa kasong robbery.

Ayon kay Senior Jail Officer 2 Abdul Aziz Consulta, nadiskubre nina JO1 Melanie Dogwe, Joanna Renee Mas at JO2 Lowela Pinera ang isang cellphone na itinago ni Sopoco sa isang ice pack habang papasok ito sa piitan ni Tiglao.

Base sa salaysay ni Sopoco, ipinakiusap lamang ng isang Winilyn Mayo ng 1141 Mapagmahal St., Barangay 181, na ibigay ang cellphone sa anak ng huli na si Reywin Lozaro na nakadetine sa Cell No. 5 sa ikaapat na palapag ng pasilidad.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Gusto ko lang makatulong. Hindi ko alam na ang laman ng ice pack ay cellphone,” pahayag ni Sopoco.

Bunsod ng insidente, ipinagbawal ng mga opisyal ng BJMP sina Sopoco at Mayo na bumisita sa Pasay City Jail. - Mitch Arceo