COTABATO CITY – Bagamat bahagyang natatagalan ang pagrerebyu sa draft ng Bangsamoro Law, umusad naman ng isang hakbang sa transition process ang pamunuan ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) nang italaga nito ang isang bagong paayos na gusali sa lungsod na ito bilang “Office of the Bangsamoro People.”

Puwedeng tawaging propaganda o bahagi ng pagpapahupa sa pagkainip ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), ngunit sinabi ni ARMM Governor Mujiv Hataman na ang pagpapangalan sa gusali ng Office of the Regional Governor (ORG)—na tinatawag na “Malacañang of the South”—ay para bigyang-diin ang “inclusivity” ng usapang pangkapayapaan ng MILF at ng gobyerno.

Matapos ang cabinet briefing nitong Hulyo 30, pormal na pinasinayaan ang bagong paayos na gusali ng ARMM, na sumailalim sa masusing rehabilitasyon mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon at ginastusan ng P50 milyon.

Ayon sa mga event organizer, ang inagurasyon ng gusali ay bahagi pa rin ng selebrasyon ng Eid’l Fitr o pagtatapos ng Ramadhan ng mga Muslim.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi ni Hataman na ang pagpapalit ng pangalan ng ORG building ay “to emphasize the pro-people and inclusive leadership” sa ARMM, na alinsunod sa Bangsamoro Basic Law (BBL) ay papalitan ng bagong autonomous political entity na tatawaging Bangsamoro.

Aniya, ang 32-ektaryang compound na katatagpuan ng iba’t ibang ahensiya at tanggapan ng ARMM government ay tinatawag na ngayong Bangsamoro People’s Complex.

Isinagawa ang inagurasyon sa gitna ng kontrobersiya sa BBL makaraang ibalik ng Malacañang ang draft ng nasabing panukala sa Bangsamoro Transition Commission (BTC), sa paniwalang hindi ito papasa sa pagbubusisi ng Kongreso. - Ali G. Macabalang