BEIRUT (AP) – Nanindigan ang mga tribu laban sa militanteng grupo na Islamic State sa silangang Syria, kaya naman napilitan ang huli na lisanin ang tatlong kinubkob na bayan matapos ang matitinding sagupaan na ikinamatay ng mahigit 10 katao.
Nangyari ang karahasan sa silangang Syria sa harap ng tensiyon sa hangganan ng bansa sa Lebanon kasunod ng pananambang na ikinasawi ng marami mula sa oposisyon, ayon sa mga aktibista. Sa isang pahayag, sinabi ng Lebanese Army na ikinulong din ng militar ang Syrian na si Imad Ahmad Jomaa, na nagpakilalang miyembro ng Nusra Front, na may kaugnayan sa Al Qaeda.
Ang insidente ang unang beses na may mga sibilyang lumaban sa Islamic State simula nang kubkubin ng grupo ang malaking bahagi ng lalawigan ng Deir el-Zour sa nakalipas na mga linggo. Sa pagpalag ng grupong Shueitat ay nilisan ng mga jihadist ang mga bayan ng Kishkiyeh, Abu Hamam at Granij.