Atty. JV Bautista at Dennis

SA ikalawang pagkakataon, muling nahaharap sa isa pang legal battle si Dennis Padilla kaugnay ng pagpapalit ng apelyido ng kanyang mga anak.

Una si Julia Barretto at ngayon ay ang kapatid naman nitong si Claudia ang nag-file ng petition sa korte para gamitin ang Barretto (maiden name ng kanilang inang si Marjorie), upang ito na ang maging family name ng 15 year old na anak nina Marjorie at Dennis. Kung pahihintulutan ng korte, papalitan ang Baldivia na totoong apelyido ng kanilang ama.

Ayon sa ilang source, may balak din daw pumasok sa showbiz si Claudia.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kasama ang abogadong si Atty. JV Bautista, nagpunta sa Quezon City Regional Court nitong nakaraang Biyernes si Dennis para i-file ang petition na i-reverse ang court decision sa pag-allow kay Claudia na Barretto ang gamitin at hindi ang Baldivia.

Ayon sa ama, wala siyang nakikitang dahilan para magpalit ng apelyido ang mga anak, lalo na si Claudia dahil siya ang tatay.

"Ang ipinaglalaban ko dito ay tatay nila ako," sabi ni Dennis nang makapanayam ng media.

Ani Atty. Bautista, naniniwala siya sa ipinaglalaban ni Dennis kaya sumang-ayon siya na hawakan ang kaso, pro bono, at ipinaliwanag na ang desisyon ng korte na isantabi ni Claudia ang Baldivia at gawing Barretto ang apelyido ay hindi makatarungan sa mga sumusunod na kadahilanan:

1. Claudia is a minor (15 years old) and has no personality to petition for a change of surname.

2. Dennis was excluded from the proceedings and his right to due process was violated.

3. The petition failed to put Claudia's alias- Claudia Barretto- in the title and

4. The petition did not comply with the “jurisdictional requirement under section 3, Rule 103 of the Rules of Court."

Ayon pa kay Atty. Bautista ang last item ( no. 4) na dapat ang petsa ng hearing sa change of name ay nakasaad sa petition, “Kailangan maganap ito after four months mula ng lumabas ang huling publication, noong October 28, 2013. Pero nagkaroon ng hearing noong November(2013)."

Naaawa si Dennis sa kanyang mga anak na aniya’y pawang napakabata pa para humarap sa mga ganitong problema.

“Nagulat na lang ako nang makita ko ang affidavit ni Claudia (na nai-file ng kanyang mom na si Marjorie). Sabi ko sa kanya, you're too young to understand kung ano’ng nakalagay doon. Mababait ang mga anak ko, masunurin sa ina.”

Sabi pa ni Dennis, nawalan na siya ng komunikasyon kay Claudia simula nang magpalit ito ng mobile phone number. Hindi na rin siya nagpupunta sa bahay ng mga anak dahil ang pakiramdam niya ay hindi siya welcome doon.

"Subdivision 'yon, kung ayaw ng may-ari ng bahay na papasukin ka, 'di ka makakapasok. So hindi na ako nag-try," aniya.

Huli niyang nakita ang mga anak noong kanyang kaarawan noong Pebrero, 2014. Ni hindi raw nabanggit ng mga anak niya na nakapag-file na sila ng petition for a change of name, anim na buwan na ang nakakaraan.

"Akala ko everything was okay. Ang ikinasasama ng loob ko, the petition was filed in August (2013). Hindi nila sinabi sa akin na ganu'n."

Nalaman na lamang daw niya ang tungkol sa mga petition sa ilang kaibigan sa Quezon City Hall.

“Kung nasabi nila (Julia at Claudia) 'yon sa akin no'ng February, mas maaga kong nai-file ang motion namin," sabi ni Dennis.

Hindi rin niya maintindihan kung bakit dumadaan sa mga ganitong problema ang kanyang pamilya.

"Legal naman ang family name ko. Nagagamit naman nila ang Barretto sa screen name nila. Hindi naman ako nakakabawas sa pagkatao nila. Ang legal name ang ginagamit nila mula nang ipinanganak sila, sa school, sa passport."

Nang makausap daw niya minsan si Julia at nabanggit niya ang tungkol dito, ang sagot sa kanya, "By law, I can change my family name."

"What do you understand about the law? You're too young," buwelta naman daw niya sa anak.

Ipiprisinta pa lamang nila sa korte ang kanilang argumento para sa formal na hearing.

Inaabangan ng entertainment media kung pati ang anak nina Dennis at Marjorie na si Leon ay magpapalit din ng apelyido.