NGAYONG batid na ng gobyerno na ang paggastos ng pondo ng bayan ay kailangang naaayon sa batas sa pamamagitan ng General Appropriations Act na atas ng Konstitusyon, lilipat ang debate sa kaangkupan ng mga proyekto sa Kongreso.

Ang Disbursement Acceleration Program (DAP) na ginamit ng Executive Department sa loob ng maraming taon upang gamitin ang bilyun-bilyong piso nang hindi kinakailangan ng anumang batas, ay ipinahinto ng Supreme Court. Kaya mula ngayon, lahat ng gagastusin ay kailangang aprubahan ng Kongreso, na dapat noon pa man.

Gayunman, ang 2015 national budget na isinumite ng administrasyon sa Kamara ay waring tadtad ng item nang walang katapat na halaga. Halos kalahati ng P2.606 trilyong national budget ay binubuo ng lump sum at automatic appropriations, ayon sa Social Watch Philippines (SWP), isang pribadong grupo na ginawang pakay ang tingnan ang paggastos ng gobyerno. Ang kabuuan ng lump sum items ay halos P1 trilyon, ayon sa SWP. Ang lump sum ay gagamitin ng mga executive official kung kailan nila gusto. Ang halagang P1.739 trilyon lamang ang itemized.

Sa presentasyon sa Kongreso, sinabi ni Budget Secretary Florencio Abad na ang mga lump sum para sa proyektong hindi itemized ay 29% lamang; at iyon ay P755 billion. Malaking halaga pa rin iyon na ang paggastos ay nasa pagpapasya ng Department of Budget and Management at iba pang mga executive official.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kung ang National Budget para sa 2015, kasama ang lahat ng unspecified at unitemized lump sum, ay naaprubahan nang ganoon lang, magiging lapat ito sa probisyon ng Konstitusyon na ang lahat ng salaping gagastusin ng mga opisyal ay aprubado ng Kongreso. Ngunit dapat isuko ng Kongreso ang kapangyarihang gumastos sa Ehekutibo hanggang pahintulutan nito ang lump sum appropriations. Para na ring binigyan ang mga executive official ng isang revolving fund, isang “petty cash” fund, na maaari nilang hugutan ng salapi sa sandali ng pangangailangan. Kaya hindi nakapagtatakang nangangamba ang SWP at ang mga leader ng oposisyon na ang 2015 budget ay magagamit sa pagsuporta ng mga kandidato ng administrasyon na mangangampanya para sa halalan sa Mayo 2016.

Marapat lamang na nakatadhana sa National Budget ang bawat proyekto at programa na may tiyak na halaga. Ang budget na iyon ay hindi mahaharap sa panganib na masawsawan ng malilikot na kamay.