JERUSALEM (AFP) – May 296 na batang Palestinian ang napatay simula nang maglunsad ng giyera ang Israel laban sa Hamas sa Gaza Strip noong Hulyo 8, ayon sa United Nations (UN).
“Children make up for 30 percent of the civilian casualties,” ayon sa United Nations Children’s Fund (UNICEF), idinagdag na ang bilang ay ibinatay sa mga pagkamatay na nakumpirma nila at malaki ang posibilidad na mas mataas pa.
Ayon sa UNICEF, kabilang sa mga paslit na nasawi sa apat na linggo nang digmaan ang 187 lalaki at 109 ba babae, na 203 sa kanila ay 12-anyos pababa.
Sa labanang kumitil na sa mahigit 1,700 buhay at ikinasugat ng halos 9,000, kapwa nanindigan ang Israel at Hamas na ipagpapatuloy nila ang paglalaban sa Gaza, tinanggihan ang panibagong panawagan para sa isang usapang pangkapayapaan.
Kahapon, dumating sa Cairo, Egypt ang delegasyon ng matataas na opisyal ng Palestine para sa panibagong ceasefire, bagamat malinaw nang nagpaabiso ang Israel na hindi ito magpapadala ng negotiating team.