Sa nakalipas na apat na dekada simula nang unang matukoy ang Ebola virus sa Africa, wala pa ring pagbabago sa gamutan. Walang lisensiyadong gamot o bakuna laban sa nakamamatay na sakit.

May ilang dine-develop, pero walang aktuwal na ginamit sa tao.

At dahil walang partikular na gamutan, nakatutok ang mga doktor at nurse sa pagpapaginhawa sa mga sintomas ng sakit—lagnat, sakit ng ulo, pagsusuka at diarrhea—at sa pagpapanatili sa mga pasyente na kumportable at hydrated.

Apektado na ng Ebola outbreak sa Libera, Guinea at Sierra Leone ang mahigit 1,300 katao at mahigit 720 na ang namatay simula noong Marso.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Pero bakit nga ba wala pang gamot sa Ebola hanggang ngayon?

Una, pahirapan ang pagtatrabaho para sa Ebola virus, dahil hindi ito akma sa mga petri dish at iilang laboratoryo lang ang maaaring pagdausan o nagtatangka man lang sa mga eksperimento.

At bagamat nakamamatay, pambihira ang Ebola. Hindi madaling matukoy ang pattern ng outbreak nito, kaya walang pagkakataon ang mga doktor at siyentista para sumubok ng panibagong gamutan.

Paano makaliligtas sa Ebola? Dapat malaman ng ‘sangkatauhan ang kahalagahan ng wastong kaalaman at kahinahunan sa gitna ng mga outbreak. Una, bagamat aabot sa hanggang 90 porsiyento ang fatality rate ng Ebola ay may mga nakaligtas naman sa sakit. Sila ang agad na nakapagpagamot at epektibong nalunasan para manatiling hydrated.

Pangalawa, ang mga sintomas ng Ebola ay gaya rin ng sa ibang sakit, tulad ng malaria, typhoid fever at cholera. Sa mga huling bahagi lang ng sakit makararanas ng pagdurugo ang pasyente, karaniwan ay sa ilong at tenga.

At ikatlo, maihahawa lang ang Ebola sa pamamagitan ng close contact at hindi nakukuha sa hangin. Partikular itong naililipat sa pagkakalantad sa dugo, pawis, suka, dumi, laway o semilya ng pasyente. - Associated Press