BUWAN ng Wika ang Agosto at ang pagdiriwang ay alinsunod o batay sa Proclamation No.1041 na nilagdaan ng dating Pangulong Fidel V. Ramos noong
Hulyo 13, 1997 na nag-aatas na ang Agosto ay Buwan ng Wika at Nasyonalismo. Sa bisa ng nasabing proklamasyon, sa pangunguna ng Komisyon sa Wikang Filpino ay nagsasagawa ng mga makabuluhang programa na may kinalaman sa wika at kulturang Pilipino. Ang tema para sa taon na ito ay: “Filipino: Wika ng Pagkakaisa”.
Ang pormal na simula ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay ginanap sa Batangas City nitong unang araw ng Agosto. Sa pakikipagtulungn ng Tanggapan ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto, ipinahayag ang lalawigan ng Batangas bilang pilot ng Executive Order 335. Nag-aatas ang Executive Order 335 sa mga ahensiya at tanggapan ng pamahalaan na gamitin ang Filipino bilang opisyal na wika ng korespondensiya at komunikasyon.
Kung Buwan ng Wika, ang mga paaralan mula elementarya at high school sa mga pampubliko at pribadong paaralan hanggang kolehiyo at pamantassan ay may inilulunsad na mga gawain at programa bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Isang natatanging gawain na nagpapatingkad upang maipakita ang pagmamahal sa wika ng ating mga ninuno at mga bayani ng lahing kayumanggi.
Ayon sa Pangulong Manuel L. Quezon na kinikilala na Ama ng Wikang Pambansa na ang kaarawan ay ginugunita at ipinagdiriwang tuwing ika-19 ng Agosto, ang wikang pambansa ay ang isa sa mga katibayan na dapat taglayin ng bawat malaya at nagsasariling bansa. Dahil dito, nagsisikap tayo hindi lamang patungo sa pagpapayaman nito upang maging mabisang kasangkapan sa pagpapalawak ng diwa at pagpapalaganap ng kultura. Ang pagka-Pilipino sa isip, ugali, damdamin at sa wikang nagpapahayag ng kabuuan ng disiplinang Pilipino ang kailangan ng mga mamamayan laluna ng mga naglilingkod sa bayan.
Sa ating makabagong panahon, ang nabanggit na pahayag ng Pangulong Manuel L Quezon ay madama at maunawaan sana ng mga kababayan natin na patuloy pa rin sa kawalan ng disiplinang Pilipino, may diwang alipin at kapag naglilingkod na sa bayan ay nalalasing sa kapangyarihan.