BUTUAN CITY – Sinalakay ng mga pinaghihinalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang isang construction site at sinunog ang isang heavy equipment sa Lapaz, Agusan del Sur, ayon sa ulat ng pulisya.

Ayon sa ulat na nakarating sa Police Regional Office 13-Tactical Operations Center, pinangangambahang mas malaki pang bilang ng mga construction equipment ang susunugin pa ng mga rebeldeng komunista matapos silang harangin ng mga residente at estudyante sa pamamagitan ng paglalatag ng blockade sa paligid ng Madjao Construction and Development Corporation (MCDC).

Dahil sa blockade, isang backhoe lamang ang nasunog ng mga salarin.

Kasalukuyang nagkukumpuni ng mga bagong kalsada ang mga tauhan ng MCDC sa La Paz nang maganap ang pagsalakay na pinangunahan ng isang “Ka Tindogan,” ayon sa pulisya.

National

Eastern Samar, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Lumitaw sa intelligence report ng pulisya na nangingikil ng revolutionary tax ang mga rebelde at nang hindi bumigay ang MCDC ay sinalakay ng mga ito ang pasilidad.

Inihahanda na ng La Paz Municipal Police Station ang kaukulang kasong kriminal laban sa mga tauhan ng NPA Guerilla Front Committee 34 na pinaniniwalaang sangkot sa insidente. - Mike Crismundo