BAGUIO CITY - Ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, lalo na ng piyesa at krudo, ang nagtulak sa Federation of Jeepney Operators and Drivers Association (FJODA) Baguio- Benguet para humiling ng 50 sentimos na dagdag sa pasahe.

Ayon kay FJODA Chairman Perfecto Itliong, napapanahon na para bigyang pansin ang karaingan ng mga operator sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga piyesa para sa kanilang jeep na madalas masiraan dahil sa bulubunduking kalsada sa lungsod, samantalang umaalma naman ang mga driver dahil sa pagtaas ng presyo ng krudo at kakaunting kita, dahil na rin sa mababang pasahe.

Saklaw ng FJODA ang 4,447 jeepney at kabuuang 25,000 driver sa Baguio.

Isinumite na ng grupo noong Hulyo 17, 2014 ang nasabing petisyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at hiling nilang itaas ang regular na pasahe sa mga pampublikong jeep sa lungsod mula P8.50 sa P9.

National

Eastern Samar, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

“Sana ay mapagbigyan kami para naman lalo pang mapabuti ang serbisyo sa publiko, lalo na sa pagmamantine ng sasakyan at konting dagdag kita para sa operator at drivers,” sabi ni Itliong.

Nabatid na sa Agosto 27 ay magkakaroon ng hearing ang LTFRB kaugnay ng nasabing petisyon ng FJODA at kapag inaprubahan ito ng board ay posibleng maipatupad ang dagdag-pasahe bago matapos ang taong ito.