LEGAZPI CITY – Pinuri ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang Albay sa katatapos na ikalima niyang State of the Nation Address (SONA) dahil sa zero casualty record ng lalawigan nang hagupitin ito ng bagyong ‘Glenda’.

Ayon sa Pangulo, ang ‘zero casualty’ ng Albay sa kasagsagan ng Glenda ay “most noteworthy feat of a local government unit in disaster risk reduction.” Mahigit 100 ang iniwang patay ni Glenda sa ibang bahagi ng bansa.

“Kung ang isang lalawigan katulad ng Albay na nasa gitna ng highway ng malulupit na bagyo ay nagagawa ito (zero casualty), walang dahilan para hindi rin ito magawa ng ibang LGU (local government units),” mariing pahayag ni Aquino sa kanyang SONA.

Nasa kalahatian ang Pangulo ng kanyang SONA nang pasalamatan niya si Albay Gov. Joey Salceda dahil sa mabilis nitong pagkilos nang manalasa ang Glenda sa lalawigan. Ayon kay Salceda ang ‘zero casualty’ score nila ay bunga ng kanilang “preemptive evacuation strategy” na kinailangang ilipat sa ligtas na evacuation centers ang may 101,000 pamilya bago pa humagupit ang bagyo. Walang namatay sa Albay ngunit nagtamo ito malawakang pinsala na tinatayang higit pa sa P9.1 bilyon, at 98,000 pamilya ang nawalan ng bahay.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Sa kanyang SONA, iniulat din ni Aquino na isinasakatuparan na ng gobyerno ang “technology-driven DRR programs” sa ilalim ng Project Noah, para sa mabisa at mabilis na “disaster warning system” at monitoring ng malalakas na ulan at biglaang baha.

“Nakakabigla pero masaya ang mabanggit ka ng Pangulo sa kanyang SONA, ngunit karapat-dapat naman ang Albay sa papuri ng Pangulo dahil talagang nagtrabaho kami para walang magbuwis ng buhay,” sabi ni Salceda na dumalo rin sa SONA.