MUKHANG totoo nga ang nababalitaan namin na marami ang empleyadong nag-aalisan sa TV5. Nakakuwentuhan kasi namin ang  dalawang executives na ang isa ay umalis na sa nasabing network at lumipat sa malaking TV network.

Ayon sa executive, naging magulo ang patakaran sa TV5 na hindi na malaman kung sino ang susundin at ano ang mangyayari o gustong direksiyon, dahil wala raw pagkakaisa ang mga nagpapatakbo.

“Actually, nakakaawa si Ma’am Wilma (Galvante) kasi wala naman siyang say, hindi naman siya ang may last decision in terms of shows, galing sa itaas (top management).

“Marami naman kasi silang nagde-decide, hindi lang isa o dalawa, panel ‘yan and the problem with them, they don’t meet each other, may kanya-kanya silang gusto. Ang ending (kahit may magandang proposal galing sa production), nasusunod pa rin sila (panel), magulo talaga,” kuwento sa amin.

National

Impeachment vs VP Sara, wala nang oras para matuloy – majority solons

Mahirap daw talagang kausap ang walang gaanong alam sa television shows dahil hindi nagkakasundo.

Nabanggit namin na marami nang production executives na umalis sa TV5 dahil nga wala silang shows at ‘yung ibang hindi regular ay totally walang programa.

“Kaya nga, di ba, ‘kakaawa ‘yung hindi regular kasi no work, no pay sila, eh, kaming regular meron. Pero since magulo na, hindi ko naman kayang sumuweldo lang na walang ginagawa o walang programa,” kuwento rin ng isa pang executive na umalis na rin sa Singko.

Samantala, nasulat namin kamakailan na na-slash ang suweldo ng mga taga-production sa TV5 na inamin naman ni Ms Wilma V. Galvante na ang katwiran ay, ‘standardization’.

Say ng isa sa may mataas na posisyon sa production, “Kulang na lang sabihan kaming mag-resign kasi sobrang slash as in 50 percent, nakakaloka, di ba? Kaya umalis ‘yung iba kasi sobrang degrading na sa part nila, sobrang tipid nila na wala sa lugar.”

Sabi namin, kung 50% ang nawala at katwiran naman ni WVG ay standardization, ibig sabihin, sobrang laki dati ang suweldo ng mga taga-production kaya ginawang minimum, tama ba ‘yun, Bossing DMB? 

Sabagay, kung karamihan nga naman sa programa ng TV5 ay hindi kumikita, logical talagang mag-slash ng suweldo kaysa naman mas marami pa ang mawalan ng trabaho o tuluyang magsara ang kumpanya. ‘Ika nga, matutong mamaluktot kapag maikli ang kumot.

Ang ending, balik ang sisi sa mga artistang inalok ng malalaking talent fee kaya naglipatan sa TV5.

Hayun, habang nagbibilang ng kanilang malalaking talent fees ang naturang mga artista, maraming empleyado naman ang kumakalam ang sikmura.