CITY SAN FERNANDO, Pampanga – Nakatukoy ang Office of the Ombudsman ng sapat na batayan para kasuhan ng graft si Senator Lito Lapid sa Sandiganbayan sa pagkakasangkot nito sa P728-milyon fertilizer fund scam noong 2004 nang ang senador pa ang gobernador ng Pampanga.

Inaprubahan din ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang paghahain ng mga kaso laban sa ilang dati at kasalukuyang kawani ng pamahalaang panglalawigan ng Pampanga at sa may-ari ng isang fertilizer company.

Bukod kay Lapid, inirekomenda ring kasuhan sina Benjamin Yuzon, provincial accountant; Vergel Yabut, treasurer; Leolita Aquino; Ma. Victoria Aquino-Abubakar; pangulo ng Malayan Pacific Trading Corp.; at Dexter Alexander Vasquez, may-ari ng DA Vasquez Macro-Micro Fertilizer Resource.

Ayon sa resolusyon ng Ombudsman, nilabag ni Lapid at ng mga kapwa niya akusado sa umano’y ilegal na pagbili ng mga pataba ang mga probisyon ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019), at ang Sections 10 at 18 ng Government Procurement Act (RA 9184) at Article 217 na may kaugnayan sa Article 171 ng Revised Penal Code.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ayon sa Task Force Abono ng Field Investigation Office ng Ombudsman na nag-imbestiga sa fertilizer scam, bumili si Lapid ng P4.8 milyon halaga ng liquid fertilizers noong Mayo 2004 mula sa P5 milyon na tinanggap niya mula kay noon ay Agriculture Undersecretary Jocjoc Bolante.

Inamin ni Lapid na nakakuha siya ng P5 milyon mula sa Department of Agriculture (DA), na ginamit ng pamahalaang panglalawigan sa pagbili ng mga pataba at iba pang gamit pangsaka.

Ayon sa Ombudsman, kung nagsagawa ng public bidding sa pagbili ng pataba ay tiyak na makakakuha ang pamahalaang panglalawigan ng de-kalidad din pero mas murang produkto.

Ibinunyag din ng Task Force na ang patabang binili ni Lapid ay 1,000 porsiyentong overpriced: binili ng Pampanga ang 3,880 litro ng fertilizer ng P1,250 kada litro mula sa Macro-Micro Foliar Fertilizer, gayung may patabang nasa P120 lang kada litro pero pareho lang ng kalidad ng produkto ng nasabing kumpanya.