Ni Rizaldy Comanda
BAGUIO CITY – Isandaan at limang taon na ang Baguio City sa Setyembre 1, pero dalawa sa mga residente nito ang mas matanda pa sa siyudad.
Si Fernando Javier o Lolo Fernando ay 107-anyos. Isinilang siya noong Disyembre 22, 1907 o dalawang taon, dalawang buwan at 21 araw bago ang deklarasyon ng mountain resort na ito bilang chartered city.
Sa kabila nito, hindi nagsusuot ng antipara si Tata Arriba kapag nagbabasa, kayang tumayo nang walang umaalalay, malinaw ang pagsasalita at matalas pa rin ang pag-iisip.
Siya ay tubong Laoag City, Ilocos Norte pero piniling sa Baguio manirahan. Siya ang unang nagtapos ng Civil Engineering sa University of the Philippines-Diliman noong 1933 at nagsilbi noong World War II sa engineering brigade ng gobyerno ng Amerika.
Habang lumuluha, ikinuwento ni Lolo Fernando ang dinanas niya sa Death March sa Bataan. Ayon sa kanya, pagkatapos ng giyera ay inatasan siya ni General Douglas MacArthur na mag-report sa Maynila at sumapi sa United States Army Force in the Far East (USAFFE), na nagbunsod upang makapagtrabaho siya sa iba’t ibang bansa.
Kalahati ng kanyang buhay ay namuhay bilang biyudo, may dalawang anak si Lolo Fernando: si Fernando Jr., 76, na may isang anak; at si Andrew, 74, na may tatlong anak at sa Amerika na naninirahan. Ang ampon niyang babae na si Lorna, 43, at ang asawa nito ang nag-aalaga kay Tata Arriba.
“Nalulungkot ako, walang dumadalaw sa akin, dahil alam kong pumanaw na ang marami kong kaibigan. Sana dalawin n’yo ako muli sa birthday ko,” sabi ni Lolo Fernando.
Samantala, si Lola Nena o Magdalena Datoc-Visperas ay nagdiwang ng ika-105 niyang kaarawan noong Miyerkules, Hulyo 30, halos dalawang buwan bago ang anibersaryo ng pagkakatatag ng Baguio.
Sa Vigan City, Ilocos Sur isinilang si Lola Nena pero sa edad na tatlo, at kasama ang tatlo niyang kapatid na lalaki, ay dinala sila ng kanyang tiyahin sa Baguio makaraang masawi ang kanilang mga magulang.
Si Lola Nena ay isang nurse na nagtapos sa Baguio General Hospital School of Nursing noong 1930 at kalaunan ay nagpakasal kay Engineer Feliciano Visperas.
Anim sa pito niyang anak ay nakatira sa Amerika. Ang anak niyang lalaki na si Angel at ang asawa nito ang nag-aalaga sa kanya. May 40 siyang apo.
Kabilang sina Lolo Fernando at Lola Nena sa tatlong sentenaryo ng siyudad na kinilala ng pamahalaang lungsod noong Setyembre 2011, at tumatanggap ng P10,000 cash at libreng regular na medical check-up.