Matagal nang nailibing ang hazing victim na si Guillo Servando. Ngunit ang pangamba at mga pagdududa ng naiwang mga magulang at mga kaanak nito at maging ng mga magulang ng mga kasamahan nito na nagdanas din ng hindi mailarawang parusa sa kamay ng mga dapat ay matawag nilang “kapatid” ay hindi nawawala.

Bago pa man nailibing si Servando ay sinasabing apat sa mga kasamang akusado na kabilang sa nagparusa rito ang nakalipad na patungo sa ibang bansa, para takasan ang kanilang nagawang kasalanan. Ganyan ba ang maituturing nating kapatiran? Na pagkatapos na makapagsagawa ng karumal-dumal na kasalanan laban sa kanilang itinuturing pa namang “kapatid” ay tatakas para maiwasan ang idinadagan sa kanilang kasalanan?

Mabuti at matatag na ang Department of Justice ng panel na mag-iimbestiga sa kaso ng pagpatay kay Servando. Binubuo ito ng tatlong miyembro para magsagawa ng preliminary investigation sa may 20 kataong inaakusahang kasangkot sa pagkamatay ni Servando. Ayon kay Prosecutor General Claro Arellano, inatasan ang nasabing panel na madaliin ang pagsasagawa at resolbahin ang nasabing kaso sa lalong madaling panahon, at kung hinihingi ng mga ebidensiya ay ipagharap agad ng kaso sa korte. Ang kasong criminal ay iniharap na ng ama ni Servando sa Department of Justice.

Kaugnay nito, ngayong makilala na ang mga kasangkot sa naturang kaso at makuha na ang mga litrato nito, dapat na sikapin ng mga awtoridad na higpitan ang mga sangkot para hindi makatakas sa batas. Ang DOJ sa pamamagitan ng NBI ay maaring humiling na kanselahin ang passport ng mga ito. Dapat ding alamin ng mga awtoridad ang panananagutan ng sinuman na nagtatago o kumakalong sa mga wanted na miyembro ng fraternity na sangkot sa kaso.

National

Manuel, naalarma sa epekto ng paglaganap ng Pornhub sa kabataan

Ang lahat ng mga pagsisikap ay dapat na isagawa na ng DOJ at NBI para maresolba ang krimen at masugpo ang karumal-dumal na kalakaran sa ilang fraternity.