MARAMI ang nagsasabi na si Carla Abellana raw ang dapat ang tawaging primetime queen ng GMA-7 dahil halos lahat ng programa niya ay mataas ang ratings at maging ang mga pelikula niya ay kumikita.
Kaya nang mainterbyu namin si Carla sa pocket presscon ng Somebody To Love movie ng Regal Entertainment ay hiningan namin siya ng reaksiyon tungkol dito.
“Wow, well, siguro dapat manggaling iyon sa network, kasi ang desisyon na ‘yan ay wala naman sa atin or wala rin naman sa public or sa viewers, it should come from the network, I guess.
“Hindi ko naman alam kung ano ang qualifications or kung ano’ng standard para mapabilang ka? I don’t know how that works, pero flattered siyempre kasi napansin ako, siyempre compliment ‘yun na parang nakikita nilang possible or nakikita nilang puwede,” magandang paliwanag ni Carla.
Pero base sa pagkakaalam namin ay ibinabase sa seniority ng mga artista ng GMA-7 kung sino ang dapat na tawaging primetime queen o king.
Nakakalimang taon pa lang si Carla sa nasabing network kaya hindi pa siya qualified tawaging primetime queen lalo na’t kasalukuyan pang may nagmamay-ari nito.
Sunud-sunod ang programa ni Carla na pawang matataas ang ratings at kumikita rin ang mga pelikula kaya aminado siyang pressured siya.
“Siyempre, whether teleserye ‘yan or pelikula, hindi mawawala kasi alam mong a lot was invested, alam mong malaking risk, alam mong malaking hindi biro ‘yung binuong projects na ‘yun para sa ‘yo or para ma-consider ka man lang nila.
“Malaki ‘yun kasi dala-dala mo ‘yung pangalan ng GMA or ng Regal Films ganyan, so hindi mawawala ‘yung pressure, no matter how confident you are, nandoon pa rin ‘yung pressure or kaba lagi,” katwiran ng aktres.
Para sa dalaga, mahalaga ang ratings ng programa.
“Of course nagma-matter sa akin ang ratings, although hindi na ako nagpapaapekto kung mataas man ‘yan o mababa, consistent man o hindi,” sey niya. “Kasi dati nu’ng medyo baguhan pa ako, lagi ko pang iniisip ‘yan, hindi ako nakakatulog sa gabi, but then, natutunan ko so far, the past five years, hindi ko na responsibility ‘yan bilang aktres kasi nag-iisa ka lang. Napakaraming taong involved para mag-rate (ang programa) o kumita ang isang pelikula hindi lang iyon nakasalalay sa akin, hindi dapat hayaan na maapektuhan ka. As long as I did my best, I do my part, okay na ‘yun.”
Samantala, hindi itinago ni Carla na labis-labis ang paghanga niya kay Tom Rodriguez na nakasama niya sa My Husband’s Lover at sa pelikulang So It’s You mula sa Regal Films at ngayon ay may solo silang serye sa GMA-7, ang My Destiny.
Papunta ba sa relasyon ang madalas na pagsasama nila ni Tom?
“I don’t know, I wouldn’t say, I honestly don’t know kasi wala akong free time, araw-araw akong may trabaho, may taping, so how can I say na it’s going there kung I don’t have time. At least magkasama kami sa trabaho, ‘ganu’n na lang muna,” sagot ni Carla.
Hindi pormal na nanliligaw si Tom, pero base naman sa ipinapakita nitong effort sa pag-compose ng kanta at pagsusulat ng mga tula para sa kanya ay, “Oo, I know he’s getting there kasi there’s nobody naman na ordinary person would just write poems and songs to anybody. Siyempre may something special ‘yun,” napapangiting sabi ng dalaga.
“Wow, I’m extremely glad and grateful that he say nice things towards me, hindi naman lahat ng tao napi-please natin, hindi naman lahat ng tao ay napapasaya natin, kaya natutuwa ako kasi may napapasaya ako.”
Halos lahat ng tulang sinulat ni Tom para kay Carla ay nagustuhan niya at hindi niya masabi kung anu-ano ito sa rami.
“Kinikilig naman, kasi wala nang gumagawa niyan, kasi ano, sa text, social media, the fact na there’s somebody who writes for you, makes you feel special,” nakangiting sabi ng leading lady nina Jason Abalos at Matteo Guidicelli sa Somebody To Love.
Samantala, bukod sa dalawang aktor ay kasama rin sina Iza Calzado, Kiray Celis, Isabel Daza, Albie Casiño, Manuel Chua, Ella Cruz, Beauty Gonzales, Natalie Hart, Maricar Reyes-Poon at Jacklyn Jose na mapapanood na sa Agosto 20 mula sa direksyon ni Jose Javier Reyes.