Inihayag ni human rights lawyer Chel Diokno na base sa 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, 20,322 drug suspects umano ang napatay sa giyera kontra droga sa bansa mula Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017.
Sa isinagawang pagdinig ng Kamara hinggil sa imbestigasyon nito sa “extrajudicial killings (EJKs)” ng war on drugs ng dating administrasyon nitong Miyerkules, Hunyo 5, binasa ni Diokno ang 2018 Supreme Court (SC) resolution kung saan binanggit ang isang 2017 year-end achievement report ng OP.
Nakasaad dito na 20,322 drug suspects umano ang nasawi mula Hulyo 1, 2016 hanggang Nobyembre 27, 2017, o ang unang 17 buwan ng administrasyong Duterte. Ang naturang bilang daw ay tinatayang halos 40 indibidwal sa isang araw.
"There has been much debate how many persons have been killed in the war on drugs during the last administration. Some of the estimates have been as low as 12,000, while the NGOs (non government organizations) have put the figure at about 30,000,” ani Diokno.
“But there is one number that is unassailable because this comes from the Office of the President and was cited in an extended resolution of the Supreme Court. And that number is 20,322 persons killed in the war on drugs,” dagdag niya.
Ayon pa raw sa resolusyon, 3,967 umano sa mga nasabing nasawi ay sa gitna ng mga police operation, habang 16,355 umano ang inambush ng riding in tandem at iba pang hindi nakikilalang mga indibidwal.
Kaugnay nito, nang tanungin ang kaniyang saloobin ay sinabi ng dating executive secretary ni Duterte na si Salvador Medialdea na nasorpresa siya sa sinabi ni Diokno, at kung mayroon man daw achievement report na ibinigay sa SC, ito raw ay bahagi ng “privileged communication” ng OP.
“If there was such a report given, I cannot disclose that because I’m barred,” saad ni Medialdea.
Matatandaang si Duterte, 79, ang pangulo ng bansa na nag-implementa ng madugong giyera kontra droga sa bansa.
Kaugnay na Balita: