Pinaniniwalaang nagtatago na ang isang taxi driver matapos patawan ng 90-araw suspensyon ang kanyang driver's license kasunod ng viral na paniningil nito ng ₱10,000 sa isang turista sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kamakailan.

Bukod sa suspensyon, naglabas din ang Land Transportation Office (LTO) ng show cause order (SCO) laban sa driver ng taxi (ABG-7845) na si Arnel Acle kung saan pinagpapaliwanag ito sa usapin.

National

'Julian,' napanatili ang lakas; Signal No. 3, itinaas sa 2 lugar sa Luzon

“Under the guidance of Department of Transportation Secretary Jaime Bautista, we are now coordinating with the Land Transportation Franchising and Regulatory Board on the sanctions that may be imposed on the operator of the taxi,” ani LTO chief Vigor Mendoza, Jr.

Nauna nang inihayag ni Bautista na hindi na papayagang mag-operate sa NAIA ang lahat ng taxi ng kumpanya dahil na rin sa insidente na naging viral sa social media.

Sa imbestigasyon ng LTO, natuklasang naka-base sa Valenzuela City ang kumpanya ng taxi at nalaman din nila sa operator na nagpaalam sa kanila si Acle na magbabakasyon sa probinsya.

“We are now coordinating with the Philippine National Police and our local offices to locate this man. Hindi tayo papayag na palampasin na lang ang ginawa niya dahil nagdulot ito ng kahihiyan sa ating bansa, at sa lahat ng Pilipino,” ani Mendoza.

“The preventive suspension we issued on the driver’s license of Mr. Acle is our way of sending a strong message to these errant drivers that we will do everything in our power to make them responsible for any illegal activities,” dagdag pa ng opisyal.