Nag-donate si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ng ₱1 milyon sa Victorino Mapa High School sa San Miguel, Manila nitong Lunes, Agosto 14, para sa Brigada Eskwela 2023.
Tinanggap ng principal ng Victorino Mapa High School na si Robert Velasquez ang cheke ng donasyon na gagamitin para sa mga materyales sa pagpipinta at paglilinis ng paaralan.
Sa kaniya namang mensahe, sinabi ni Marcos na nakita umano niya kung gaano kahalaga ang Brigada Eskwela para sa kapakanan ng mga estudyante sa darating na pasukan.
"Pagdating sa ating mga anak, sa mga bata, ay talagang buo ang loob natin na tumulong para gumanda naman ang kanilang experience dito sa pag-eskwela,” ani Marcos.
Ipinagkaloob ng Pangulo ang donasyon matapos niyang lumahok sa taunang paglilinis ng paaralan kasama si Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte.
MAKI-BALITA: PBBM, VP Sara tumulong sa paglilinis ng paaralan sa Maynila
Ngayong Lunes ang pagsisimula ng Brigada Eskwela ng DepEd na may tema ngayong taon na “Bayanihan para sa Matatag na Paaralan.”
MAKI-BALITA: Brigada Eskwela ng DepEd, umarangkada na!
Nakatakda naman umanong magbukas ang klase sa mga pampublikong paaralan para sa School Year 2023-2024 sa darating na Agosto 29.
MAKI-BALITA: Klase sa public schools, magbubukas sa Agosto 29