Sinibak na sa puwesto ang hepe ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) kasunod ng umano'y naganap na cover-up kaugnay sa pagkakaaresto ng isang pulis na nahulihan ng ₱6.7 bilyong halaga ng shabu noong 2022.
Kaagad na pinalitan ni Brig. Gen. Faro Antonio Olaguera si Brig. Gen. Narciso Domingo bilang hepe ng PNP-DEG batay na rin sa direktiba ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos.
Si Olaguera na miyembro ng PNP Academy Class of 1989 ay dating nakatalaga sa PNP Legal Service.
Nag-ugat ang usapin nang magkaroon umano ng cover-up sa pagkakahuli ni Police Master Sgt. Rodolfo Mayo, Jr. na nasamsaman ng 990 kilo ng shabu noong Oktubre 2022 sa Maynila.
Kamakailan, iniutos ni Abalos sa 10 opisyal ng pulisya na maghain ng leave of absence kaugnay sa umano'y pagkakadawit sa usapin.
Bukod kay Domingo, nag-leave of absence na rin si PDEG Region 4A chief, Col. Julian Olonan.
Nauna nang itinanggi nina Domingo at Olonan na pinoproteksyunan nila si Mayo.
Sinabi ni Abalos, kitang-kita sa closed-circuit television (CCTV) footage na pinakawalan ng mga opisyal si Mayo kahit nahulihan ng bilyun-bilyong pisong halaga ng shabu.
Ipinaliwanag naman ni Domingo at Olonan na ang pagpapalaya kay Mayo ay isa lamang sa kanilang "tactical move" upang makasamsam pa sila ng mas maraming shabu sa isasagawa pa sanang follow-up operation.
Nakita rin sa footage sina Lt. Gen. Benjamin Santos Jr., dating PNP Deputy Chief for Operations; Brig. Gen. Narciso Domingo, Capt. Jonathan Sosongco, pinuno ng PDEG SOU 4A arresting team; Lt. Col. Arnulfo Ibañez, OIC ng PDEG SOU National Capital Region (NCR); Maj. Michael Angelo Salmingo, deputy ng PDEG SOU NCR; Lt. Col. Glenn Gonzales ng Quezon City Police District; Lt. Ashrap Amerol, intelligence officer ng PDEG Intelligence and Foreign Liaison Division; Lt. Col. Harry Lorenzo, Manila Police District Moriones Station commander; at Capt. Randolph Piñon, PDEG SOU 4A Intelligence Section chief.
Aaron Recuenco at Philippine News Agency