Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang isang pulis, sa naganap na hostage-taking incident sa Antipolo City nitong Martes.

Patay na ang biktimang si Benjamin Balajadia nang datnan ng mga otoridad habang nadakip ang suspek na si Severino Ramos Jr., kapwa residente ng Barangay San Jose, Antipolo City.

Samantala, sugatan naman ang pulis na si Patrolman Christian de Vera matapos na tagain sa hita ng suspek nang tangkain siyang arestuhin habang ligtas na nasagip ang isang lola at isang bata na kasamang hinostage ng suspek.

Batay sa ulat ng Antipolo City Police, dakong alas-7:30 ng umaga nang i-hostage ng suspek ang kanyang step brother na si Balajadia at isang lola at paslit, na di pinangalanan, sa loob ng kanilang tahanan sa Brgy. San Jose, Antipolo City, Rizal.

Metro

Sa dami ng nagkakasakit: ER sa ilang ospital sa QC, puno na sa pasyente

Sinasabing nagalit ang suspek dahil hindi umano nito nakukuha ang mga padala sa kaniya ng kamag-anak na mula sa ibang bansa.

Gayunman, dakong alas-10:00 ng umaga lamang nang maiulat ang insidente sa mga otoridad, na mabilis namang rumesponde.

Nakipag-negosasyon ang mga pulis sa hostage-taker at nang magawa itong mapakalma ay napahinuhod itong palayain na ang bihag na lola at bata.

Habang kinakausap naman ng kanyang mga kasamahan ang suspek, tinangka umano ni Pat. De Vera na dambahiin at hulihin ang hostage taker ngunit nataga siya nito sa kanyang kaliwang hita, na nagresulta sa kanyang pagkasugat.

Kaagad namang sumaklolo ang iba pang pulis at nakipagbuno sa suspek, na nagresulta sa kanyang pagkaaresto.

Nang halughugin ang bahay, dito na natagpuan ang bangkay ni Balajadia na nauna nang pinatay ng suspek, bago pa man dumating ang mga pulis.

Ang suspek, na nakapiit na at aminado sa kanyang nagawa, ay mahaharap sa kasong homicide at physical injuries sa piskalya.