Magandang balita para sa mga empleyado ng Manila City Hall dahil nilagdaan na ni Manila Mayor at Aksyon Demokratiko presidential bet Isko Moreno ang Ordinance No. 8795 na nagkakaloob ng kabuuang₱45,750,000 bilang Productivity Enhancement Incentive (PEI).
Ayon kay Moreno, sakop ng nasabing budget ang lahat ng mga empleyado, regular, contractual at job order at ibibigay ang incentive, tamang-tama sa Kapaskuhan.
“This is our simple way of saying thank you for all the effort and sacrifices you have offered this year in the name of public service,” pahayag pa ng alkalde.
Kaugnay nito, inianunsyo na rin ni Moreno na natapos na ng pamahalaang lungsod ang pamimigay ng “Pamaskong Handog sa bawat Pamilyang Manilenyo” nitong Huwebes.
“Maraming salamat po kina City Engineer Armand Andres, Manila Traffic and Parking Bureau chief Dennis Viaje at Department of Public Services head Kenneth Amuraoat sa mga bumubuo ng kanilang tanggapan sa inyong sipag at malasakit para sa ating mga kababayan.Umasa po kayo mga minamahal naming mga Batang Maynila na tuloy-tuloy po ang aming mabilis na pagkilos ni Vice Mayor Honey Lacuna para ipadama sa inyo na tuloy at masagana ang Pasko sa Maynila,” anang alkalde.
Ang Christmas packages ay nai-deliver na sa may 896 barangay sa Maynila at may 700,000 pamilya ang nabiyayaan nito.
Mary Ann Santiago