Landing sa kulungan ang tatlong dalaga na magkaka-kutsaba sa pagpupuslit ng higit dalawang daang kaha ng sigarilyo sa isang shopping mart sa Malabon City.
Kinasuhan ng qualified theft ang mga suspek na sina Myka Veronica, 26; Razna Sanglitan, 26, kapwa nakatira sa Barangay Concepcion at Jacqueline Jose, 21, ng No. 1 Sevilla Street, Barangay Tenejeros ng nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon ni PMSg. Julius Mabasa ng Station Investigation Unit, bandang alas 6:00 gabi inutusan daw ni Myka si Razna na magtungo sa Jemms Shoppers Mart na matatagpuan sa Governor Pascual Avenue, Barangay Acasia, Malabon City para kumuha ng kaha-kahang sigarilyo.
Si Myka ay dating supervisor ng naturang supermarket at base sa instruction sa inutusan, kapag nakakuha na daw ito ng sigarilyo dalhin kay Jacqueline, na siya namang cashier sa nasabing establisyemento.
Nasa 240 kaha ng sigarilyo na nagkakahalaga ng P27,600.00 ang kinuha ni Razna at dinala sa kahera na hindi naman dumaan sa point of sale.
Sa halip, inilagay lang umano ito sa malaking kahon at saka lumabas na si Razna papauwi.
Hinarang naman ito ng checker sa Jemms Shopping Mart para i-double check at ng hinihingi na sa kanya ang resibo wala itong naipakita kaya naman dinala si Razna sa opisina para sa interogasyon.
Kalaunan, itinuro na ng nahuling suspek sina Myka at Jacqueline na kasabwat sa pagnanakaw.
Orly L. Barcala